ZAMBOANGA CITY — Nanawagan ang mga administrator ng mga paaralan sa Zamboanga City sa lokal na pamahalaan na magpatupad ng mas mahigpit na polisiya laban sa mga estudyanteng nagbibiro o nagpapakalat ng online threats tungkol sa pamamaril at iba pang karahasan sa campus.
Inihayag ang panawagan sa pulong ng mga school administrator, federated Parent-Teacher Associations at city government nitong Huwebes, kasunod ng pagdami umano ng kahina-hinalang social media posts matapos ang fatal shooting sa Ateneo de Zamboanga University (AdZU) Junior High School noong Agosto 18.
Ayon kay Universidad de Zamboanga president Abraham Eustaquio, hindi dapat ituring na biro ang anumang banta ng karahasan sa paaralan at dapat magkaroon ng malinaw na babala ang lokal na pamahalaan laban dito.
“If we could just come out with a strong statement to show that we are serious about it because the threats just keep on coming,” ani Eustaquio sa isang panayam.
Iniulat din ng ilang school administrators na may mga estudyanteng natukoy matapos mag-post ng nakaaalarmang mensahe online ngunit kalaunan ay nagsabing biro lamang ang kanilang ginawa.
Sa Maria Clara Lorenzo Lobregat National High School, dalawang estudyante umano ang natukoy kaugnay ng magkahiwalay na online threat posts. Kinausap na ng pamunuan ng paaralan ang mga estudyante at kanilang mga magulang, ayon sa ulat.
Samantala, sinabi ni Zamboanga City Mayor Khymer Olaso na isasama sa panukalang 2027 budget ng lungsod ang pagbili ng metal detectors para sa mga pampublikong paaralan bilang bahagi ng pagpapalakas sa seguridad.
Patuloy din ang psychosocial support para sa mga estudyante at pamilyang naapektuhan ng pamamaril sa AdZU.
Nanawagan naman ang pamunuan ng AdZU sa publiko na huwag ipakalat ang video ng insidente at umiwas sa pagpapakalat ng maling impormasyon na maaaring magpalala sa takot at trauma ng school community.
Patuloy na sinusuri ng mga awtoridad ang mga online threat upang matukoy kung alin ang may aktuwal na panganib, habang binibigyang-diin ng mga paaralan na hindi dapat balewalain bilang simpleng “prank” ang anumang banta ng karahasan. RNT