Home NATIONWIDE Pagkawasak ng mga dam sa lakas ng ulan, pinabulaanan

Pagkawasak ng mga dam sa lakas ng ulan, pinabulaanan

1
0

MANILA, Philippines — Pinabulaanan ng National Irrigation Administration (NIA) ang kumakalat na impormasyon online na posibleng gumuho ang ilang dam dahil sa tuloy-tuloy na malakas na pag-ulan.

Sinabi ni NIA Administrator Eduardo Guillen na nananatiling maayos ang structural integrity ng mga dam, partikular ang Magat at Pantabangan, at regular na sinusuri at minomonitor ng ahensya ang mga ito.

“Hindi po, kasi alam ninyo naman, marami pa pong mas malalakas na pag-ulan ang pinagdaanan ng ating mga dams,” ani Guillen sa isang briefing.

Ayon sa opisyal, mahigit 50 taon nang nakatayo ang Magat at Pantabangan dams at patuloy na isinasailalim sa maintenance, monitoring at safety assessment.

Nilinaw din ni Guillen na bagama’t tumaas ang water levels dahil sa malakas na ulan, may kapasidad pa ang dalawang reservoir. Tinatayang nasa 30 metro pa ang allowance ng Pantabangan bago mapuno, habang nasa 10 metro naman sa Magat.

Sinabi rin ng NIA na wala pang naitalang spill discharge sa dalawang dam.

Samantala, gumagamit na rin umano ang NIA ng artificial intelligence (AI) sa weather forecasting upang matantiya nang mas maaga ang posibleng dami ng ulan na papasok sa catchment areas.

Ayon kay Guillen, nakatutulong ito upang makapagpatupad ng pre-release ng tubig kung inaasahang magiging sobra ang inflow, bilang bahagi ng flood management.

Sa kabila ng mataas na water reserves, sinabi ng NIA na kapaki-pakinabang din ang naiipong tubig para sa irigasyon, lalo na bilang paghahanda sa posibleng matinding El Niño.

Patuloy na pinapayuhan ang publiko na umasa lamang sa opisyal na abiso ng NIA, PAGASA at iba pang kinauukulang ahensya hinggil sa kondisyon at operasyon ng mga dam. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here