Home HOME BANNER STORY Rep. Cendaña target kasuhan gumawa, nagpakalat ng mapanlait na caricature

Rep. Cendaña target kasuhan gumawa, nagpakalat ng mapanlait na caricature

11
0

MANILA, Philippines — Pinag-aaralan ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña ang pagsasagawa ng legal action laban sa mga indibidwal at online pages na umano’y gumawa at nagpakalat ng caricature na tumutuligsa sa kanyang pisikal na kondisyon bilang stroke survivor.

Sa Facebook post nitong Huwebes, sinabi ni Cendaña na kumukonsulta na siya sa kanyang mga abogado hinggil sa maaaring hakbang laban sa mga responsable sa naturang materyal.

“This serves as a warning to all online pages, influencers, and individuals who have published or amplified these materials. I am consulting with our lawyers on the appropriate legal action that may be taken against those responsible,” ani Cendaña.

Sinabi ng kongresista na tanggap niya ang lehitimong kritisismo at public scrutiny bilang isang halal na opisyal, ngunit iginiit niyang may hangganan ito kapag nauwi na umano sa harassment, humiliation at discrimination.

“Bilang isang stroke survivor, hindi ko palalampasin ang ganitong pambabastos,” aniya.

Ayon kay Cendaña, mas nakababahala na ginagamit umano ang kanyang medical condition upang pagtawanan at hamakin siya.

“Ang kapansanan ay hindi katatawanan. Hindi ito dapat gawing sandata upang laitin, hiyain, o i-dehumanize ang isang tao,” saad niya.

Sinabi niyang hindi lamang para sa sarili ang kanyang pagtutol kundi para rin sa iba pang stroke survivors at Persons with Disabilities (PWDs) na nakararanas ng katulad na pangungutya.

Si Cendaña, na House deputy minority leader, ay kabilang sa mga mambabatas na nag-endorso ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Wala pang kasong naihahain kaugnay ng naturang caricature sa oras ng kanyang pahayag, at hindi rin tinukoy ni Cendaña kung anong partikular na reklamo ang maaaring ihain habang nagpapatuloy ang konsultasyon sa kanyang mga abogado. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here