Home METRO Bataan nasa state of calamity; P542.7M, pinsala sa imprastraktura 

Bataan nasa state of calamity; P542.7M, pinsala sa imprastraktura 

1
0

BATAAN — Isinailalim na sa state of calamity ang buong lalawigan ng Bataan matapos magdulot ng malawakang pagbaha at daan-daang milyong pisong pinsala ang magkakasunod na pag-ulan dulot ng mga bagyong Luis at Maymay at ng Habagat.

Inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan nitong Huwebes, Agosto 20, ang resolusyon para sa deklarasyon upang maipagpatuloy ang disaster response operations at magamit ang mga kinakailangang resources ng lokal na pamahalaan.

Ayon sa datos ng provincial government, umabot na sa P542.72 milyon ang tinatayang pinsala sa imprastraktura, habang P56.53 milyon naman ang naitalang pinsala sa sektor ng agrikultura.

Mahigit 8,000 residente rin ang napaalis sa kanilang mga tahanan dahil sa pagbaha.

Nasa 20 katao ang naiulat na nasugatan, ngunit wala namang naitalang nasawi sa lalawigan.

Tinataya rin ng pamahalaang panlalawigan na mahigit 500,000 manggagawa sa Bataan ang hindi nakapasok sa trabaho dahil sa ilang linggong tuloy-tuloy na pag-ulan at pagbaha.

Bahagya nang humupa ang tubig-baha sa ilang bahagi ng Hermosa nitong Huwebes kasabay ng pagbuti ng panahon, ngunit marami pa ring residente ang humaharap sa epekto nito sa kabuhayan at ari-arian.

Samantala, pinag-aaralan ng lalawigan ang panukalang 54-kilometrong coastal defense system bilang pangmatagalang tugon sa problema sa pagbaha.

Kabilang sa panukala ang pagtatayo ng mga dike, pumping station, floodgate at water catchment o impounding facilities na maaari ring gamitin sa pag-iimbak ng suplay ng tubig. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here