Home NATIONWIDE DOE pinadali pag-install ng rooftop solar; ilang permit, bayarin inalis

DOE pinadali pag-install ng rooftop solar; ilang permit, bayarin inalis

1
0
(c) Jonathan Liwanes Mayuga

MANILA, Philippines — Pinasimple ng Department of Energy (DOE) ang proseso sa pag-install ng rooftop solar systems para sa sariling konsumo, kasabay ng pag-aalis ng ilang permit, clearance at bayarin na itinuturing na hadlang sa paggamit ng renewable energy.

Sa ilalim ng Department Circular No. DC2026-08-0017, dalawang uri ng sistema ang saklaw: ang Micro-Solar System (MSS) at Self-Generating Facility Zero-Export Solar System (SGF ZESS).

Ang MSS ay plug-and-play solar system na hanggang 1 kilowatt (kW) DC capacity at 0.8 kW AC capacity. Hindi na ito kailangang kumuha ng building permit at Certificate of Compliance (COC) mula sa Energy Regulatory Commission (ERC), at post-installation notification na lamang sa distribution utility ang kailangan.

Samantala, ang SGF ZESS ay para sa mga consumer na gumagawa ng sariling kuryente ngunit may sistemang pumipigil sa pagpapadala ng sobrang enerhiya pabalik sa distribution grid. Iba ito sa net-metering arrangement kung saan maaaring i-export sa grid ang sobrang nalikhang kuryente.

Ipinagbabawal din sa distribution utilities ang paghingi ng pre-installation clearance, technical permit at inspection fee bago maikabit ang mga kwalipikadong zero-export at micro-solar system.

Bibigyan naman ng 12-buwang transition period ang mga consumer na gumagamit pa ng analog meter habang inaayos ng kanilang distribution utility ang kinakailangang meter replacement.

“For many consumers, the requirements involved in installing even a small solar system can discourage adoption,” ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, na nagsabing layunin ng bagong polisiya na alisin ang hindi kinakailangang gastos at requirements sa pag-install ng solar.

Target ng pamahalaan na itaas sa 35% pagsapit ng 2030 at 50% pagsapit ng 2040 ang bahagi ng renewable energy sa power generation mix ng bansa.

Sa pamamagitan ng mas simpleng requirements, target ng DOE na mas maraming tahanan, maliliit na negosyo at iba pang pasilidad ang makagamit ng sariling solar power at mabawasan ang kanilang pagdepende sa kuryenteng kinukuha mula sa grid. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here