MANILA — Hindi ikinagulat ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang pagbawi ni Orly Guteza sa nauna nitong mga alegasyon laban kay Leyte Rep. Martin Romualdez, kasabay ng pagbabalik niya sa usapin ng umano’y “coaching” kay Guteza bago ito humarap sa Senate Blue Ribbon Committee.
“Since on record naman sa hearing ng Blue Ribbon Committee na coached witness ni Sen. Marcoleta si Guteza at naka-live pa nga, hindi na surprising na babaliktad siya balang araw,” ani Lacson sa isang pahayag nitong Huwebes.
Nauna nang sinabi ni Lacson na napansin umano niyang pinoprompt ni Sen. Rodante Marcoleta si Guteza sa kanyang pagsasalaysay at binanggit din ang CCTV records na nagpapakitang nagtungo ang testigo sa opisina ni Marcoleta bago humarap sa pagdinig.
Gayunman, itinanggi na ni Marcoleta ang alegasyong kinokontrol o kino-coach niya si Guteza. Sa opisyal na Senate Journal noong Setyembre 29, 2025, sinabi ni Marcoleta na pinayuhan lamang niya ang testigo na basahin nang dahan-dahan ang affidavit upang masundan ito ng mga miyembro ng komite.
Lumabas nitong Miyerkules ang bagong affidavit ni Guteza kung saan binawi niya ang naunang pahayag na naghatid umano siya ng mga maleta ng pera kay Romualdez. Sa naturang salaysay, inakusahan naman niya sina Marcoleta at dating kongresista Mike Defensor na umano’y humikayat sa kanya na gumawa ng maling alegasyon kapalit ng pera at scholarship para sa kanyang mga anak.
Ang mga paratang na ito ay hindi pa napatutunayang katotohanan at itinanggi na rin ng mga personalidad na nadawit sa magkakaugnay na kontrobersya.
Binanggit din ni Lacson ang pagbawi ng apat pang dating aide ni dating kongresista Zaldy Co sa kanilang naunang mga pahayag, at sinabing tila nagiging karaniwan na ang ganitong recantation.
Para kay Lacson, maaaring may pagtatangkang makinabang ang ilang personalidad mula sa kanilang sinasabing pagkakasangkot sa kontrobersya sa flood control projects.
Patuloy namang sinusuri ng mga awtoridad ang magkakasalungat na affidavit at testimonya upang matukoy kung alin sa mga ito ang suportado ng independiyenteng ebidensya.