MANILA, Philippines – PUNONG-PUNO ng pagmamahal na binati ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Biyernes ang kanyang esposa na si Unang Ginang Louise Araneta-Marcos, na nagdiriwang ng kanyang ika-67 kaarawan ngayon.
Inilarawan ng Pangulo ang kaarawan ng Unang Ginang bilang “most important day in the calendar.”
“My dear Liza, we’re celebrating today a most important day in the calendar; Liza Day!” ang sinabi ng Pangulo sa kanyang social media post.
“Happy Birthday to the First Lady of every day of my life… and beyond,” aniya pa.
Nauna rito, binatikos ng mga netizens ang birthday post ng Unang Ginang sa social media, kasabay ng matinding pagbaha at masamang panahon sa ilang bahagi ng bansa kahapon.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, nauunawaan nila ang mga hindi nasiyahan sa timing ng post, pero hindi umano ito nangangahulugang walang malasakit ang First Lady sa mga Pilipinong naapektuhan ng kalamidad.
Sinabi ni Castro na bago pa man ang masamang panahon, aktibo na umano ang Unang Ginang sa pagtulong, kabilang ang pamamahagi ng rice assistance sa mga senior citizen sa Negros Occidental at mga aktibidad sa ilalim ng Lab for All.
Ipinaliwanag ni Castro na ang birthday post ay mensahe ng pagpapahalaga sa buhay, at ang “stay safe and dry” ay pagpapakita rin umano ng pag-aalala sa mga kababayang nakararanas ng masamang panahon.
Wala pa rin umanong naging birthday celebration ang First Lady kasama ang Pangulo o pamilya dahil patuloy siyang abala sa trabaho at mga proyekto.
Samantala, tiniyak ng Palasyo na nagpapatuloy ang pagtulong ng First Lady at katuwang siya ng Pangulo sa pagtugon sa pangangailangan ng mga Pilipino.