CALAPAN CITY — Tatlong bata ang nasawi matapos malunod habang naliligo sa dagat sa Sitio Proper, Barangay Navotas, Calapan City, Oriental Mindoro nitong Huwebes, Agosto 20.
Ayon kay Calapan City Police chief Lt. Col. Michael Caraggayan, ang mga biktima ay isang walong taong gulang at dalawang anim na taong gulang na nagtungo sa lugar kasama ang kanilang pamilya para sa pagdiriwang ng kaarawan ng isang kamag-anak.
Bandang alas-5:30 ng hapon nang mapansin umano ng isang kamag-anak na nahihirapang makabalik sa pampang ang tatlong bata.
Humingi agad ng tulong ang kanilang mga kasama sa Calapan City Disaster Risk Reduction and Management Office at isinugod ang mga bata sa ospital, ngunit idineklara silang dead on arrival.
Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente habang nakikipag-ugnayan din sa pamilya ng mga biktima para sa kaukulang tulong.
Kasunod nito, pinaalalahanan ni Caraggayan ang mga magulang at guardian na bantayang mabuti ang mga bata kapag nasa beach, ilog, swimming area at iba pang anyong-tubig upang maiwasan ang katulad na trahedya.
Hinimok din ng pulisya ang publiko na igalang ang privacy at pagdadalamhati ng pamilya at maging responsable sa pagbabahagi ng mga larawan, video at detalye ng insidente sa social media. RNT