MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ng Malacañang ang mga kompanyang saklaw ng Extended Producer Responsibility (EPR) law na tiyaking nasusunod ang kanilang obligasyon sa pagbawi o pag-offset ng plastic packaging waste, matapos magpalabas ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng 155 show-cause letters sa mga posibleng hindi sumusunod sa batas.
Sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na patuloy na ina-audit ng DENR ang plastic recovery rates ng mga obligadong kumpanya upang matukoy ang kanilang compliance sa Republic Act No. 11898 o Extended Producer Responsibility Act of 2022.
Sa ilalim ng batas, kailangang mabawi o ma-offset ng mga covered enterprise ang itinakdang bahagi ng kanilang plastic packaging footprint. Ang target ay 60% sa 2026, 70% sa 2027 at 80% mula 2028 at sa mga susunod na taon.
“Kapag hindi nag-comply, bibigyan po sila at papatawan ng penalty,” ani Castro.
Gayunman, nilinaw ng Palace official na ang pagpapadala ng 155 show-cause letters ay hindi nangangahulugang napatunayan nang lumabag ang mga kumpanyang nakatanggap nito. Binibigyan pa sila ng pagkakataong magpaliwanag hinggil sa kanilang compliance.
Muling nabigyang-pansin ang pagpapatupad ng EPR law kasunod ng problema sa basura, partikular sa plastic waste na bumabara sa mga daluyan ng tubig at pumping stations at maaaring magpalala ng pagbaha.
Sa pag-inspeksyon sa Tripa de Gallina Pumping Station sa Pasay City, binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maaaring bumaba ang efficiency kahit ng fully operational pumps kapag napapasukan at nababarahan ng basura.
Samantala, sinabi ni Castro na dapat ding kilalanin ang mga kumpanyang lumalampas sa itinakdang recovery targets.
Batay sa DENR data na kanyang binanggit, umabot noong 2024 sa 59.98% ang audited recovery rate para sa rigid plastics at 56.33% para sa flexible plastics, kapwa mas mataas sa 40% target para sa naturang taon. RNT