MANILA, Philippines – Ginunita ng pamilya Aquino nitong Biyernes, Agosto 21, ang ika-43 anibersaryo ng pagpaslang kay dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. sa pamamagitan ng isang misa sa puntod ng pamilya sa Manila Memorial Park.
Pinaslang si Aquino noong Agosto 21, 1983 matapos bumalik sa Pilipinas mula sa Estados Unidos. Ang kanyang pagkamatay ay naging isa sa mahahalagang pangyayaring nagpasigla sa kilusang kumontra sa diktadurya.
Kabilang sa dumalo sa misa ang mga anak niyang sina Ballsy Aquino-Cruz at Viel Aquino-Dee, gayundin ang apo niyang si Kiko Aquino-Dee.
Sa homiliya, binigyang-diin ng paring nanguna sa misa na nananatiling hamon sa mga Pilipino ang pagpapatuloy ng nation-building sa gitna ng pagkakahati-hati sa politika at lipunan.
Aniya, hindi lamang pagbabago sa mga sistema ang kailangan sa pagtatayo ng bansa kundi pati ang pagpapatibay ng ugnayan at paggalang sa dignidad ng bawat Pilipino sa kabila ng pagkakaiba.
Binigyang-diin din sa misa ang kahalagahan ng pagpapanatili ng pag-asa sa gitna ng mga suliranin ng bansa at ang patuloy na pagkilos kahit hindi agad nakikita ang resulta ng mga pagsisikap.
Sinabi rin ng ilang miyembro ng pamilya Aquino na mahalagang patuloy na alalahanin ang mga pangyayari noong Martial Law at hikayatin ang nakababatang henerasyon na pag-aralan ang kasaysayan.
Kasama sa prayers of the faithful ang panalangin para sa mga lider ng bansa na itaguyod ang katarungan at katotohanan, gayundin para kina Ninoy, dating Pangulong Corazon Aquino at iba pang yumao sa pamilya Aquino.
Samantala, bumisita rin nitong Huwebes ang ilang miyembro ng pamilya Aquino sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 upang makita ang historical marker ni Ninoy na inilipat sa improved arrivals curbside ng terminal.
Matatagpuan na ang marker sa harap ng repositioned na pangalan ng Ninoy Aquino International Airport sa terminal facade. RNT