MANILA, Philippines — Umabot na sa 19 indibidwal ang naaresto kaugnay ng pagpapatupad ng mga election security measure para sa Bangsamoro Parliamentary Elections, ayon sa datos ng Commission on Elections (Comelec).
Karamihan sa mga naaresto ay mga sibilyan, batay sa datos mula nang magsimula ang election period noong Hulyo 16.
Nakapagtala ang Comelec ng 15 gun ban violations, habang may mga indibidwal ding nadakip sa mga Comelec checkpoint.
Sa operasyon ng mga awtoridad, nakumpiska ang 21 iba’t ibang uri ng baril, anim na pampasabog at 111 bala.
Sa kabuuan, umabot na sa 23,912 Comelec checkpoints ang isinagawa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa rehiyon.
Samantala, isang suspected violent incident pa lamang ang naitatala kaugnay ng halalan.
Wala pa namang insidenteng opisyal na na-validate bilang election-related incident o ERI sa kasalukuyan.
Patuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng gun ban at iba pang security measures habang papalapit ang Bangsamoro Parliamentary Elections. Jocelyn Tabangcura-Domenden