Home OPINION PAANO MAIIWASAN MALALANG SIRA NG SASAKYAN SA GITNA NG BAHA?

PAANO MAIIWASAN MALALANG SIRA NG SASAKYAN SA GITNA NG BAHA?

1
0

SA panahon ng tag-ulan, hindi lang tao ang kailangang protektahan kundi pati na rin ang mga kagamitan tulad ng sasakyan. Ang baha ay maaaring magdulot ng problema sa car engine, electrical system, transmission, brakes, bearings at electronic control modules. Ang ilan sa mga tip na ibabahagi natin ay nagmula sa uploaded video ng FB account ni AR3 Auto Restorations. Maraming salamat nga pala kay Boss Kaloy Baylosis sa pag-share ng video.

Kung may posibilidad ng pagbaha, ilipat ang sasakyan sa mataas at ligtas na lugar. Inspeksyunin ang kondisyon ng battery, brakes, tires, wipers at cooling system gayundin ang rubber seals sa doors at electrical connections.

Mahalagang alamin kung nasaan ang air intake ng sasakyan. Kapag nakapasok ang tubig sa intake at nahigop ng engine, maaaring magkaroon ng tinatawag na hydrolock. Dahil hindi kayang i-compress ng piston ang tubig, maaari itong magdulot ng bent o sirang connecting rod at iba pang internal engine damage.

Kung hindi tiyak ang lalim ng baha, huwag nang tumawid. Kahit mukhang mababaw, maaaring may lubak o malakas na agos sa ilalim.

Kung ligtas pa at kinakailangang dumaan sa mababaw na tubig, panatilihing mababa at steady ang speed at iwasang huminto sa gitna. Huwag ding gumawa ng malakas na alon gamit ang mabilis na pagmamaneho dahil maaaring mapasok ang tubig sa air intake at electrical components.

Kung tumirik ang makina sa baha, huwag itong i-restart. Ang paulit-ulit na pag-start ang maaaring maging sanhi ng mas malaking engine damage kung may tubig nang nakapasok sa combustion chamber.

Kapag humupa na ang baha, huwag agad i-start ang engine. Ipa-tow ang sasakyan at ipasuri muna sa qualified mechanic.

Dapat inspeksyunin ang engine air filter at intake, engine oil, transmission fluid, fuel system, battery, alternator, starter motor, electrical connectors, sensors, brakes at wheel bearings. Kung may tubig na pumasok sa fluids, maaaring kailanganin ang draining at replacement.

Para sa modernong sasakyan, mahalaga ring i-check ang ECU, wiring harness at electronic modules, dahil maaaring magdulot ang moisture at corrosion ng electrical problems kahit ilang araw o linggo pa pagkatapos ng baha.

Mahalagang unahin ang kaligtasan pero iwasan din natin ang malaking repair bill para sa ating sasakyan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here