Home NATIONWIDE VP Sara nanawagan ng konkretong aksyon sa pagsuporta sa biktima ng terorismo

VP Sara nanawagan ng konkretong aksyon sa pagsuporta sa biktima ng terorismo

1
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si Vice President Sara Duterte sa gobyerno ng konkretong aksyon para suportahan ang mga biktima ng terorismo.

Aniya, ang pag-alala sa kanila ay hindi lamang dapat sa pamamagitan ng komemorasyon o pagninilay.

Sa video message kasabay ng International Day of Remembrance and Tribute to the Victims of Terrorism, sinabi ni Duterte na alam ng Pilipinas ang halaga ng terorismo sa mga komunidad na apektado ng insurgency at violent extremism.

“Our nation knows the true cost of terror. We speak about terrorism from the ground of its actual existence,” sinabi ni Duterte.

Aniya, maraming mga komunidad sa Mindanao at ilan pang bahagi ng bansa ang dumaranas ng mga pambobomba, pangingikil at karahasan.

“Hindi lamang pansamantala ang pinsala ang dulot ng terorismo. Sinisira nito ang takbo ng buhay ng susunod na henerasyon,” dagdag pa niya.

Ani Duterte, ang banta ng karahasan ay nananatiling realidad sa maraming mga pamilya.

“Hindi natin pwedeng iasa na lamang sa kanila ang muling pagtatayo ng kinabukasan mula sa mga naiwang guho ng kaguluhan,” sinabi ni Duterte.

Ang pagkilala sa mga biktima ay dapat na may sangkot umanong konkretong hakbang, kabilang ang hustisya, policy enforcement at rehabilitasyon.

“We cannot build a culture of remembrance on monuments and moments of silence alone,” sinabi ni Duterte.

“True remembrance demands concrete action, an active commitment to justice, policy enforcement, and comprehensive rehabilitation,” dagdag pa niya.

Nanawagan din si Duterte ng hakbang para masiguro ang kaligtasan ng mga komunidad, protektahan ang mga kabataan, at magbigay ng sapat na suporta sa mga biktima para makarekober.

“Ang pagtiyak sa kaligtasan ng ating mga komunidad, pagtatanggol sa kapakanan ng ating mga kabataan at pagbibigay ng sapat na suporta upang makabangon ang bawat biktima. Ito ang tanging paraan ng pag-alala na may tunay na kahulugan.”

Tinapos naman niya ang mensahe sa paghimok sa mga Filipino na maging matatag at mahabagin sa isa’t isa. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here