Home HOME BANNER STORY UPDATE: 4 patay, 4 pa sugatan sa sunog sa Pasay

UPDATE: 4 patay, 4 pa sugatan sa sunog sa Pasay

1
0

MANILA, Philippines – Patay ang apat na magkakakag-anak, kabilang ang isang batang tatlong-taong-gulang, habang apat pang indibidwal ang sugatan sa sunog na tumupok sa 15 na magkakadikit na kabahayan sa Pasay City Biyernes ng hapon, Agosto 21.

Base sa report ng Pasay City Bureau of Fire Protection (BFP), bukod sa batang biktima na natagpuang nakayakap pa sa kanyang tiyahin na biktima rin ng sunog ay kabilang pa sa mga nasawi ang lola at lolo nito kung saan lahat sila ay na-trap sa kanilang bahay na nilalamon ng apoy.

Sa apat namang naiulat na sugatan ay isang babae ang agad na isinugod sa pinakamalapit na ospital matapos magtamo ng pinakamalaking pinsala nang malapnos ang malaking bahagi ng kanyang katawan habang ang dalawa pang babaeng biktima at isang lalaki na nagtamo rin ng mga paso at sugat sa katawan ang nabigyan ng agarang lunas ng mga rumespondeng bumbero at rescuers.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng BFP, nagsimula ang sunog sa isang kabahayan sa dikit-dikit na residential area sa Tengco Street, Barangay 107, Pasay City, bandang ala 1:35 ng hapon.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog bandang ala 1:52 ng hapon at naiulat ang fire under control ng 3:45 habang idineklara ang fire out bandang alas 4:45 ng hapon.

Nasa 30 pamilya ang naapektuhan ng naturang sunog habang nahirapan naman ang mga rumespondeng bumbero dahil sa kakulangan ng suplay ng tubig sa lugar kung kayat nagtulungan na lamang ang mga residente sa pagpuno ng tangke ng tubig sa mga rumespondeng fire truck upang agad na maapula ang nagliliyab na apoy.

Napag-alaman naman sa mga residente sa lugar na sumabog na tangke ng liquified petroleum gas o LPG ang pinagmulan ng sunog na mabilis na kumalat sa magkakadikit na kabahayan sa Barangay 106 at 107 na mga gawa sa semi-light materials.

Pansamantalang nanunuluyan sa kasalukuyan ang higit 500 indibidwal na naging biktima ng sunog sa Padre Zamora Elementary School (PZES) na mga residente ng Brgy. 106 at 107 kung saan nakatakdang pagkakalooban ng tulong ng lokal na pamahalaan ang mga ito ng kanilang mga pangangailangan.

Patuloy ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng mga arson probers upang matukoy ang pinagmulan ng apoy gayundin ang halaga ng napinsalang ari-arian na idinulot ng mahigit tatlong oras na sunog. James I. Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here