MANILA, Philippines – Tatlo ang napatay sa magkakahiwalay na insidente ng pamamaril sa Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte sa kabila ng pagpapatupad ng election gun ban.
Ang unang pag-atake ay nangyari tanghali sa national highway sa Barangay Salbu, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur, kung saan pinaulanan ng bala ng mga gunman na sakay ng motorsiklo ang isang Hyundai pickup truck.
Kinilala ang mga biktima na sina Kamarudin Mangansakan Ebus ng Barangay Penafrancia, Cotabato City, isang negosyante, at drayber nitong si Mohalidin Latip Esmael, at kasamang si Kenedie Abdul Adin, na residente rin ng Cotabato City.
Napatay si Ebus at Esmael, habang sugatan naman si Adin.
Ayon kay Capt. Steffi Salanguit, spokesperson para sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, bumibiyahe ang tatlo mula sa Datu Unsay, Maguindanao del Sur, patungong Cotabato City nang atakehin ng gunman sa kanilang pagdaan sa bahagi ng highway na sumasailalim sa road repair.
Nangyari ang pamamaril 200 metro lamang mula sa isang Army checkpoint.
Naglunsad na ng manhunt ang pulisya para sa mga nasa likod ng pamamaril at iniimbestigahan ang motibo sa pag-atake.
Walong oras makalipas nito, o bandang alas-8 ng gabi ay binaril naman ng hindi pa tukoy na gunman ang tricycle driver na si Chopin Mohammad Blah sa diversion road sa Barangay Capiton, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Si Blah ay idineklarang dead on arrival sa Cotabato Regional and Medical Center.
Iniimbestigahan ng pulisya ang motibo sa krimen at inaalam na ang pagkakakilanlan ng gunman. RNT/JGC