Home NATIONWIDE 46 OFWs mula Kuwait, 17 Pinoy seafarers ligtas nakauwi

46 OFWs mula Kuwait, 17 Pinoy seafarers ligtas nakauwi

1
0
via DMW

MANILA, Philippines – Ligtas nang nakabalik sa Pilipinas ang 46 overseas Filipino workers (OFWs) mula Kuwait at 17 Filipino seafarers mula sa barkong M/V Minoan Dignity, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) nitong Sabado.

Dumating ang 46 OFWs sa NAIA Terminal 1 sakay ng Kuwait Airways, habang dumating naman ang 17 seafarers sa Terminal 3 sakay ng Emirates.

Ang M/V Minoan Dignity ay tinamaan ng hindi pa nakikilalang projectile habang naglalayag sa timog ng Strait of Hormuz noong Agosto 18. May 18 Pilipinong crew sa barko, ngunit nasawi ang Filipino chief engineer.

Ang 17 nakaligtas na seafarers ay nailigtas at dinala sa Khasab, Oman, bago isinagawa ang kanilang repatriation sa Pilipinas.

Pagdating nila, binigyan sila ng OWWA at Department of Migrant Workers (DMW) ng airport assistance at iba pang kinakailangang suporta, katuwang ang Manila International Airport Authority Medical Team at kanilang manning agency.

Samantala, tinulungan din ng OWWA ang 46 OFWs mula Kuwait sa kanilang pag-uwi, kabilang ang financial assistance, pagkain, pansamantalang matutuluyan at pamasahe patungo sa kanilang mga probinsya.

Sinabi ng OWWA na patuloy nitong susuportahan ang mga umuwing manggagawa sa kanilang mga komunidad, kabilang ang welfare, financial, livelihood, employment, counseling at iba pang reintegration assistance depende sa kanilang pangangailangan. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here