Home NATIONWIDE Paglilipat ng impeachment trial sa hapon, kinumpirma ni Lacson: ‘Mas praktikal’

Paglilipat ng impeachment trial sa hapon, kinumpirma ni Lacson: ‘Mas praktikal’

1
0

MANILA, Philippines – Kinumpirma ni Senator-judge Panfilo Lacson na malamang ilipat sa hapon ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte-Carpio simula Setyembre, na mas magiging praktikal.

Sa pahayag nitong Sabado, sinabi ni Lacson na nangingibabaw sa miyembro ng Senate majority bloc ang pananaw na sulitin ang oras para sa impeachment trial sa pamamagitan ng pagdaraos ng legislative session sa umaga at trial sa hapon na posibleng humaba hanggang gabi.

“At least sa majority (bloc) group, yan ang nagdo-dominate na sentiment. Gawin natin umaga ang session para hindi naka-cut short ang impeachment trial. Mas practical na ilipat namin ang session sa umaga at IT sa hapon,” ani Lacson sa isang panayam sa DWIZ radio.

“Sa akin mas practical yan at yan din sentiment ng kasama ko sa majority,” dagdag niya.

Sa ilalim ng panukalang setup, maaaring idaos ang regular na session ng Senado mula Lunes hanggang Miyerkules, alas-10 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon, at magsisimula ang trial alas-2:30 ng hapon hanggang alas-7:30 ng gabi.

Ani Lacson, walang pressure na kailangang eksaktong matapos ang proceedings ng alas-7:30 ng gabi, at maaari itong umabot hanggang alas-10 o alas-11 ng gabi kung kinakailangan.

Dagdag niya, magiging pormal ang usapin sa caucus ng mga senador sa susunod na linggo, kung saan kokonsultahin din ang mga miyembro ng minority bloc.

Sinabi ni Lacson na kung magkakasundo ang mga senador sa bagong iskedyul, malamang na ipahayag ito sa Miyerkules, Agosto 26, dahil karaniwang inaanunsyo tuwing Miyerkules ang mga iskedyul ng trial para sa susunod na linggo, upang magkaroon ng sapat na oras ang prosecution at defense na maghanda.

“(Kung) may pressing matters na kailangan tugunan, sa legislative session, pwede ilipat sa umaga ang impeachment trial uli,” aniya.

“Definitely Monday to Wednesday next week, umaga pa rin ang impeachment trial. Ia-announce yan kung sakaling lipat kami ng hapon, announce ng Presiding Officer sa Wednesday,” dagdag niya.

Sa ngayon, sinabi ni Lacson na hindi niya nakikitang matatapos ang trial bago ang Disyembre, dahil hindi pa natatapos ng prosecution ang paglalahad nito sa ikalawa sa apat na articles, matapos nito ay kailangan pang iharap ng defense ang kanilang kaso.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here