MANILA, Philippines – Ipinahayag ni Senator Risa Hontiveros ang kahandaang maging nag-iisang presidential candidate ng oposisyon sa halalan sa Mayo 2028.
Sinabi ni Hontiveros na nagsusumikap siya upang maging pinakamalakas na posibleng kandidato.
“I am preparing very hard, working very hard … I’m strengthening myself as the strongest possible candidate,” aniya.
Ayon sa senador, makikipag-usap siya sa kanyang mga kaalyado kapag may indikasyon nang siya ang pinakamalakas na kandidato.
“Importante isa lang. Let’s unite around the strongest one so we have a fighting chance,” saad pa niya.
Noong Hunyo 13, inilunsad sa Iloilo City ang isang kilusang nananawagan kay Hontiveros na tumakbo bilang pangulo. Dinaluhan ito ng mahigit 1,500 katao mula sa Western Visayas, kung saan nagmula ang kanyang pamilya. Ang kanyang lolo na si Jose Miraflores Hontiveros ay naging gobernador ng Capiz.
Nagpasalamat si Hontiveros sa mga Ilonggo at iba pang taga-Western Visayas sa maagang suporta sa kanyang posibleng kandidatura.
Kabilang si Hontiveros sa mga pangalan na lumilitaw sa mga survey para sa presidential race. Sa kasalukuyan, nangunguna si Vice President Sara Duterte, habang kabilang din sa mga nababanggit sina dating Vice President at Naga City Mayor Leni Robredo at Senator Erwin Tulfo. RNT/MDS