MANILA, Philippines – Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order No. 122 para likhain at palakasin ang industriya ng critical minerals sa Pilipinas.
Layunin nitong palawakin ang exploration, development, processing at paggamit ng mga mineral na mahalaga sa clean energy, advanced manufacturing, batteries, electronics, digital infrastructure at national defense.
Sa ilalim ng EO, magsasagawa ang DENR at Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng national exploration program para tuklasin ang mga bagong deposito ng critical minerals. Kabilang sa may malalaking reserba ang copper, nickel, cobalt, chromite at zinc.
Ipinag-utos din ang mabilis na privatization ng government-owned critical mining assets. Kasama sa prosesong ito ang DENR, MGB at Privatization and Management Office ng Department of Finance.
Mahigpit ding ipatutupad ang “use it or lose it” policy. Maaaring kanselahin o patawan ng parusa ang mga mining permit na hindi sumusunod sa kanilang approved timelines, work programs at development commitments nang walang valid na dahilan.
Paiikliin din sa anim na buwan ang public consultation sa mining applications upang mapabilis ang proseso sa pamamagitan ng isang virtual one-stop shop.
Pinapayagan din ng EO ang pag-export ng mineral ore, bagama’t bibigyan ng priority access ang mga lokal na processing plant sa presyong naaayon sa merkado.
Kinontra ng ilang environmental at science advocates ang EO dahil nangangamba silang mas mapaboran nito ang foreign investors at malalaking korporasyon kaysa sa kalikasan at mga komunidad na apektado ng pagmimina.
“We are not against development, we are against development that serves the few, displaces communities and livelihoods, and the senseless destruction of the environment,” ayon kay Cathleen De Guzman ng Kalikasan People’s Network for Environment.
Sinabi naman ni Agham spokesperson at UP professor Giovanni Tapang na dapat ang mineral industry ay nakatuon sa pangangailangan ng sariling industriya at agrikultura ng Pilipinas, hindi lamang sa presyo sa world market.
Samantala, suportado ng Chamber of Mines of the Philippines (COMP) ang EO 122. Ayon sa grupo, makatutulong ito upang lumipat ang bansa mula sa simpleng pagmimina at pag-export ng raw ore tungo sa value-added processing, refining at downstream manufacturing.
Naniniwala ang COMP na maaari itong magdala ng mas maraming pamumuhunan, de-kalidad na trabaho at mas malakas na local supply chains.
Iginiit din ng grupo na dapat manatili ang mataas na environmental, social and governance standards at maprotektahan ang mga host community at indigenous peoples.
Tinatayang may $170 bilyong halaga ng nickel deposits ang Pilipinas, kabilang sa pinakamalaki sa Southeast Asia. May humigit-kumulang 4.8 milyong metric tons ng nickel reserves ang bansa, ngunit malaking bahagi nito ay iniluluwas pa rin bilang raw ore. RNT/MDS