MANILA, Philippines – Nakapagtala ang San Lazaro Hospital sa Maynila ng hindi bababa sa 3 pagkamatay dahil sa leptospirosis mula Agosto 10, kabilang ang isang nasawi noong Sabado, Agosto 22.
Sa kasalukuyan, may 60 pasyente ng leptospirosis sa ospital. Dalawampu’t dalawa ang bagong admission at 19 ang nasa malubhang kondisyon.
Ayon kay San Lazaro Hospital Medical Chief Dr. David Suplico, maaaring umatake ang severe leptospirosis sa mahahalagang bahagi ng katawan gaya ng kidneys, atay at respiratory system.
“Ang severe leptospirosis is ito na ang leptospirosis na inaatake ang mga vital organs ng katawan. Pag umabot siya sa kidney, kailangan na natin mag-hemodialysis; hindi sila makakaihi,” aniya.
Kapag naapektuhan ang atay, maaaring manilaw ang pasyente, habang ang pag-atake sa respiratory system ay maaaring magdulot ng matinding hirap sa paghinga at mangailangan ng intubation. Ayon kay Suplico, maaaring umabot sa 50% ang mortality rate kapag nagkaroon ng multi-organ dysfunction.
Sinabi naman ni DOH Secretary Edwin Mercado na karaniwang lumalabas ang sintomas ng leptospirosis 5 hanggang 15 araw matapos mahawa, bagama’t maaaring mas mahaba ang incubation period.
As of August 17, nakapagtala ang DOH ng 3,760 leptospirosis cases sa buong bansa.
Samantala, patuloy ding mino-monitor ng DOH ang dengue, na umabot na sa 111,302 kaso nationwide ngayong taon hanggang Agosto 17.
Paalala ng DOH sa publiko na iwasang lumusong sa baha kung hindi kinakailangan. Kung hindi ito maiiwasan, inirerekomendang magsuot ng bota at agad na maligo, maglinis at magsabon nang mabuti pagkatapos.
May 120-bed capacity ang leptospirosis ward ng San Lazaro Hospital at kasalukuyang 50% lamang ang occupancy nito. Gayunman, may ilang ospital tulad ng East Avenue Medical Center na umaabot na sa 119% bed occupancy, kabilang ang mga pasyenteng may dengue at leptospirosis. RNT/MDS