Home METRO Depektibong disenyo ng coastal dike sa Bulacan, sinita ni Dizon

Depektibong disenyo ng coastal dike sa Bulacan, sinita ni Dizon

1
0
DPWH

MANILA, Philippines – Tinukoy ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang “faulty design” ng isang coastal dike sa Paombong, Bulacan, na umano’y hindi na epektibong nakapipigil sa pagbaha tuwing mataas ang tubig-dagat.

Sa halip na maprotektahan ang mga residente ng Barangays Masukol at Sta. Cruz, nasisira umano ang dike dahil sa malalakas na alon, dahilan para paulit-ulit na bahain ang mga komunidad.

Ayon kay Dizon, kabilang ang coastal dike sa mga umano’y maanomalyang flood-control projects na iniimbestigahan ngayon ng mga awtoridad. Inaasahang magsisimula agad ang pagkukumpuni.

Sinuri ni Dizon ang proyekto kasama sina Cabinet Secretary Benhur Abalos at Paombong Mayor Mac Marco.

Sinabi ni Dizon na dapat malayang maipahayag ng publiko ang kanilang pagkadismaya sa DPWH, basta’t naririnig ng mga opisyal ang kanilang hinaing.

“Murahin ninyo po kami sa YouTube, okay lang. Ang importante ho, naririnig namin ang hinaing ninyo, ang daing ninyo,” aniya.

“… Paulit-ulit na natatanong ako, ‘Okay lang ba na nagagalit ang taumbayan sa DPWH?’ Sabi ko, oo, okay lang. Eh dapat naman talagang magalit eh,” dagdag niya.

Ayon kay Dizon, determinado ang DPWH na ayusin ang coastal dike upang mapigilan ang tubig mula Manila Bay na bumaha sa mga komunidad sa baybayin.

Ibinunyag din ni Dizon ang umano’y limang pumping station sa Bulacan na nakalista bilang mga naitayo ngunit, ayon sa kanya, wala naman talagang ginawa.

“Nakakagalit po talaga kapag naririnig ko ‘yung mga istorya. Halimbawa po ‘yung mga pumping station. Meron pong limang pumping station… na ‘ginawa’ dito. Ginawa, quote-unquote, kasi wala naman talagang ginawa,” saad ni Dizon.

Sinabi niyang nang hingin niya ang mga plano para sa mga proyekto, wala rin umanong maipakita.

“Pero nung tinanong ko po, ni plano wala… Paano ka naman gagastos ng daan-daang milyon, aabutin pa ng bilyon, ni plano wala? So talaga pong ginawa lang po nila ’yon para kumita at para magnakaw. ’Yun po ang masakit at nakakagalit po talaga,” dagdag pa niya.

Ayon kay Dizon, mas marami pang umano’y maanomalyang flood-control projects ang natutuklasan dahil sa koordinasyon ng DPWH sa bagong Bulacan 1st District Engineer.

“Nakita ninyo naman po ’yung mga loko-loko ay nakakulong na ngayon, lalo na ’yung si Brice Hernandez, si [Jaypee] Mendoza, lahat ho ’yan ay nakakulong na ngayon,” aniya.

“At marami pa pong ibang mga kasong parating dahil po sa ginagawang paglilinis… ng ating bagong district engineer na si DE Kenneth [Fernando] at ’yung bagong regional director natin na si Arnold Ocampo,” dagdag pa niya.

Si Kenneth Fernando ang pumalit kay Henry Alcantara bilang Bulacan 1st District Engineer. Naiugnay si Alcantara sa flood-control scandal. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here