MANILA, Philippines – Nais ng House prosecution panel na palakasin ang imbestigasyon sa pagkalat ng mga pekeng “quote cards” at social media posts na umano’y nanlilinlang sa publiko tungkol sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Hiniling ng mga prosecutor sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na tumulong sa pagtukoy sa mga taong nasa likod ng mga pekeng pahayag at iba pang gawa-gawang content.
Ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, patuloy na kumakalat ang isang pekeng pahayag na iniuugnay kay Duterte defense lawyer at spokesperson Michael Poa.
“We will coordinate with the CICC on the matter to look further into the personalities behind itong mga ganitong fake news,” ani Ridon.
Ang CICC ay isang inter-agency body sa ilalim ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na nag-uugnay sa mga ahensya ng gobyerno sa paglaban sa cybercrime at pagsisiyasat sa mga online na paglabag.
Ang pekeng pahayag ay ipinakalat sa social media at inangking sagot umano ni Poa sa mga pahayag ni Ridon tungkol sa Duterte defense team. Itinanggi ito ni Poa noong Agosto 18, at sinabing hindi niya kailanman ginawa o inilabas ang naturang pahayag. Hiniling din niya sa mga page na nag-post nito na itama o alisin ang fake quote.
Pinasalamatan naman ni Ridon si Poa sa paglilinaw at sinabing hindi si Poa ang kanyang pinupuna kundi ang mga taong gumawa at nagpakalat ng pekeng pahayag.
“He has my friendship and he has my respect on the matter,” saad ni Ridon kay Poa.
“But ‘yung wala akong respeto, ‘yung pong mga actually nag-unleash ng fake quote po ni Atty. Poa, and I think it is something that we will look further into on who these personalities are,” dagdag pa niya. RNT/MDS