Home NATIONWIDE Marcoleta, Defensor, mahaharap sa panibagong kaso sa pagbawi ni Guteza – Lacson

Marcoleta, Defensor, mahaharap sa panibagong kaso sa pagbawi ni Guteza – Lacson

1
0

MANILA, Philippines – Maaaring harapin nina detained Sen. Rodante Marcoleta at ex-Rep. Michael Defensor ang reklamo sa subornation of perjury kaugnay ng “coached” na testimonya ng dating Marine na si Orly Guteza sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong nakaraang taon, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Sabado.

Sinabi ni Lacson na ipinakita ng takbo ng mga pangyayari sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee na tinuturuan ni Marcoleta si Guteza kung ano ang sasabihin sa affidavit nito kaugnay ng umano’y paghahatid nito ng pera sa mga maleta sa ilang personalidad, kabilang si dating Speaker Martin Romualdez.

“Kung titingnan natin ang ebidensya, takbo ng pangyayari, nangyari ito noong pagdinig ng BRC na maliwanag kino-coach ni Sen Marcoleta. So isa siya sa pwedeng kasuhan ng subornation of perjury,” ani Lacson sa isang panayam sa DWIZ radio.

“Oo tama yan, kung may mag-file,” dagdag niya nang tanungin kung maaaring managot sina Marcoleta at Defensor matapos sabihin ni Guteza na hinikayat siya ng dalawa na tumestigo kapalit ng pera at scholarship para sa kanyang mga anak.

Sinabi ni Lacson na kabilang sa maaaring magsampa ng reklamo si Romualdez, na idinawit sa unang pahayag ni Guteza.

Dagdag niya, maaari ring magsagawa ang Department of Justice at Office of the Ombudsman ng preliminary investigation kaugnay ng posibleng kasong perjury laban sa mga nasa likod ng unang testimonya ni Guteza dahil tinuturing na public crime ang perjury.

“Pwede silang mag-initiate ng pagsagawa ng preliminary investigation sa kasong perjury laban sa mga tao sa likod,” aniya.

Muling iginiit ni Lacson ang kanyang panawagan para sa mas mabigat na parusa laban sa mga humihikayat o namimilit sa ibang tao na gumawa ng perjury, upang magsilbing masakit na leksyon sa mga gumagawa nito at mapigilan ang tinawag niyang negosyo sa laban-bawi na pahayag.

Noong Biyernes, sinabi niyang balak niyang maghain ng panukalang batas na magpapataw ng mas mabigat na parusa at multa para sa subornation of perjury.

“Dapat talaga magkaroon ng leksyon ang mga nagsasagawa niyan kasi may batas tayong sumasaklaw diyan (pero) walang natutuluyang kasuhan,” aniya.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here