VALENZUELA CITY, Philippines – Swak sa selda ang isang hinihinalang high-value drug personality matapos maaresto sa buy bust operation at makuhanan ng mahigit P.1 milyong halaga ng high-grade marijuana sa Valenzuela City, Biyernes ng umaga.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek bilang si alyas “Leonard”, 25, residente ng Caloocan City.
Ayon kay P/Lt. Sherwin Dascil, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), ikinasa nila ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA matapos ang natanggap na impormasyon na ang suspek umano ang bumabagsak ng marijuana sa Valenzuela na ibinibenta naman sa mga estudyante sa lungsod.
Dakong alas-10:00 ng umaga nang maaresto ng mga operatiba ng SDEU ang suspek matapos bintahan ng P12,500 halaga ng high-grade marijuana ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa Brgy., Marulas.
Nakumpiska sa kanya humigi’t kumulang 114 grams ng hinihinalang high-grade marijuana na nagkakahalaga ng P136,800.00, buy bust money na isang tunay na P500 bill at 12-pirasong P1,000 boodle money, itim na sling bag, ilang identification cards, P250 cash at isang motorsiklo na gamit niya sa pagdedeliver umano ng ilegal ng droga.
Pinuri naman ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian ang Valenzuela CPS sa pamumuno ni Col. Talento sa kanilang matagumpay na drug operation dahil ayon sa kanya, walang puwang ang ilegal na droga sa Valenzuela.
Hinihikayat din ang alkalde ang publiko na makiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lungsod sa pamamagitan ng maagap na pagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga taong sangkot sa aktibidad ng illegal na droga at iba pang kahina-hinalang gawain.
Ani SDEU investigator PSSg Cris Paul Collo, kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isasampa nila laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office sa pamamagitan ng Inquest Proceedings. (Merly Duero)