Home NATIONWIDE Proteksyon, hazard pay sa mga delivery riders, pinag-aaralan ng DOLE

Proteksyon, hazard pay sa mga delivery riders, pinag-aaralan ng DOLE

1
0

MANILA, Philippines – Pinag-aaralan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga bagong polisiya para sa delivery riders, lalo na dahil mahalaga ang kanilang serbisyo tuwing masama ang panahon.

Ayon kay DOLE Secretary Francis Tolentino, wala pang malinaw na labor standards para sa sektor na ito dahil hindi pa umiiral ang ganitong uri ng trabaho nang ipasa ang Labor Code noong 1974. Lumago lamang nang malaki ang delivery services noong COVID-19 pandemic.

“’Yung mga nagde-deliver kasi, kahit bumaha, umaraw, eh nagde-deliver nga kasi hindi naman makapunta sa kainan ‘yung ating mga kababayan, so na-order. So ito po, hindi pa maliwanag yung pamantayan natin dito, kaya subalit papunta na po tayo doon,” saad ni Tolentino.

Sinabi ni Tolentino na handa ang DOLE na magpatupad ng mga polisiya kahit hindi muna kailangang amyendahan ang kasalukuyang batas, bagama’t mas mainam umano kung magkakaroon ng pagbabago sa batas.

Kabilang sa mga proteksyong pinag-aaralan ang:

–Dagdag na bayad para sa late-night deliveries, lalo na kapag malakas ang ulan

–Hazard pay para sa riders na nagtatrabaho sa delikadong kondisyon

–Protective equipment gaya ng rain boots

–Tulong sa pagpapagawa ng motorsiklo kapag nasiraan habang nagtatrabaho

“Dagdag na bayad lalo sa gabi. ‘Yung hatinggabi na kalakasan ng ulan at tsaka siguro ’yung hazard pay nila. Pero sabi ko nga, wala pang maliwanag na usapin dito,” aniya.

“Yung iba, nakita ko, rubber shoes lang, eh dapat bota man lang ‘pag susulong sa baha. Sino ang magpapagawa ng motorsiklo ‘pag nagkaroon ng deperensya? So lahat po ’yan,” dagdag niya.

Noong Hunyo, nakibahagi ang Pilipinas sa mga miyembro ng International Labor Organization (ILO) sa pagsuporta sa employment standards para sa gig workers, kabilang ang delivery riders.

Nauna nang ipinaalala ng DOLE na ang mga manggagawang nagtamo ng work-related injury o aksidente dahil sa masamang panahon ay maaaring makatanggap ng benepisyo at tulong sa ilalim ng Employees’ Compensation Program ng Employees’ Compensation Commission (ECC). RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here