BULACAN, Philippines – Nanawagan ang mga kaanak ng mag-iinang nadiskubreng patay sa loob ng sasakyan sa masukal na lugar sa bayan ng San Rafael noong hapon ng Huwebes, Agostos 20.
Sa ulat at ayon sa kaanak ng mga biktima, dagdag pasakit sa kanilang kalooban ang mga kumakalat sa social media na mga litrato at maling impormasyon.
Nakikiusap din ang mga ito na bigyan ng privacy, respeto, igalang ang lamay at hayaan muna silang makapagluksa ng payapa ngayong nakaburol na ang mag-iina sa kanilang bahay sa bayan ng Angat.
Kaugnay nito, tapos na umano ng pulisya ang firearms examination, paraffin test, bullet trajectory, autopsy at iba pa subalit hindi pa umano dito natatapos ang kanilang imbestigasyon, base na rin sa ulat.
Sa isang ulat, ipinahayag ni PRO3 Director PBGEN Jess Mendez, na kinukumpleto pa nila ang mga results ng mga tests na ipinadala nila sa SOCO.
Nanawagan din ang heneral na antayin ang nasabing resulta at sinabing hindi sila nagpapabaya.
Nabatid na nakausap na rin ng pulisya ang mga huling nakadaupang-palad ng mag-iina bago nangyari ang malagim na insidente, gayundin ang dati at kasalukuyang kinakasama ng biktima.
Sinasabing nadiskubre ang biktimang Inang 31 anyos, anak na edad 9 at 4 taung gulang na duguan sa loob ng kanilang sasakyang MPV bandang 2:00 ng hapon ng nasabing petsa sa isang masukal na lugar sa Brgy. Talacsan na kalaunay nakita din dito ng mga awtoridad ang isang baril at mga basyo ng bala. (Dick Mirasol III)