MANILA, Philippines – Hinimok ni Vice President Sara Duterte, sa kanyang mensahe para sa Buwan ng Wika, ang mga Filipino na pagyamanin pa ang pambansang wika upang masiguro na mananatili itong “tool for knowledge” sa kabila ng pag-usbong ng mga bagong teknolohiya katulad ng artificial intelligence (AI).
Ang tema ng Buwan ng Wika ngayong taon ay “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon,” batay sa anunsyo ng Komisyon sa Wikang Filipino.
“Sa pagpasok ng makabagong teknolohiya, siguruhin natin na ang ating pambansang wika ay hindi naiiwan—kundi nananatiling sandata sa karunungan at digital na inobasyon,” ani Duterte.
“Ito ang landas tungo sa ating pangarap—isang bansa kung saan ligtas, edukado, at may magandang kinabukasan ang bawat bata at walang pamilyang naiiwan sa kahirapan,” dagdag pa niya.
Tinukoy din niya sa kanyang mensahe ang mga overseas Filipino workers (OFWs) at sinabing ang kanilang native language ang magpapaalala sa kanilang lupang sinilangan nasaang panig man ng mundo.
Ibinahagi rin ni Duterte ang tungkulin ng national language na kaluluwa ng kultura ng bansa, tulay sa pagkakaisa at sumasalamin sa kasaysayan. RNT/JGC