Home OPINION CSSP KAKAMBAL NG FLOOD CONTROL SCAM

CSSP KAKAMBAL NG FLOOD CONTROL SCAM

2
0

KUNG totoo ang mga pinagsasabi ni dating ex-Department of Public Works and Highways Secretary Rogeilo ‘Babes’ Singson na may misteryosong CSSP o Convergence Special Support Program na kasabay ng flood control progam, anak ng tokwa, kamalas-malasan talaga ang mahal kong Pinas.

Kung may P1.3 trilyon para sa flood control program sa nakalipas na apat na taon, mga Bro, may halos ganito ring badyet, P1.1T para sa mga taong 2022, 2023 at 2024 para naman sa “Convergence and Special Support Program.”

Dinetalye ni Singson sa CSSP, may P1.1 trilyon pondo noong 2022 hanggang 2024 na binubuo ng may P352 bilyon noong 2022, P388 bilyon noong 2023 at P410.9 bilyon noong 2024.

Ayon pa kay Singson, kung pinakananakawan o pinagkikikbakan ang mga flood control project, ganito rin ang mga CSSP project.

‘Yun bang === may mga ghost, substandard, overpricing at iba pa sa mga proyektong CSSP?

PALIWANAG

Pagdedetalye ni Singson sa kanyang talumpati sa Philippine Construction Arbitration Conference kamakailan, mga Bro, pawang mga insertion o isiningit umano sa pambansang badyet ang mga nasabing pondo.

Nilagyan ng pondong CSSP ang mga kalsada at tulay na patungo sa malalaking pasilidad na pampubliko, tourist areas, drainage, farm-to-market road, multi-purpose na gusali, proyekto sa mga tabing dagat, health center, patubig na lokal, paghahalukay o dredging ng mga ilog at sapa at kontra-baha at iba pa.

Gayunman, pinondohan ang mga proyektong ito nang walang mga kaukulang pag-aaral na teknikal, takdang presyo at specification o katangian.

Ganyang katindi ang CSSP, na kagaya ng Flood Control Program, ay ipinaraan lahat sa DPWH.

EBIDENSYA SA KIKBAKAN/NAKAWAN NASAAN?

Umamin mismo si Palace spokesperon Claire Castro na mayroong CSSP pero kinuwestiyon nito higit sa lahat ang pahayag ni Singson sa kawalan ng mga kalakip na ebidensya nito sa paratang na pagnanakaw at kikbakan sa panahon ng Bongbong Marcos administration.

Sa umpisa pa lang ng 2012, may CSSP na at nakaupo noon si Singson bilang pinuno ng DPWH sa ilalim ni ex-President Noynoy Aquino, ayon kay Castro.

Kabilang sa mga proyekto rito ang mga paggawa at pagpapaganda sa mga kalsada patungo sa mga panturistang lugar at sa kalaunan, para na rin sa agrikultura, edukasyon, kalusugan, pambansang seguridad, industriya, paliparan, pier at iba pang pambansang prayoridad ng pamahalaan.

Ngawngaw lang ang kay Singson na kinuha rin ni Bongbong para maging bahagi ng Independent Commission for Infrastracture na nag-imbestiga sa mga kikbakan/korapsyon sa flood control scam?

Nag-resign nang wala sa oras si Singson kalaunan.

KAMARA AT SENADO NASAAN KAYO?

Ganap na binalewala ng Kamara ang imbestigasyon sa flood control scam at makaraang makapagsimula ang Senate blue ribbon committee, umatras na rin ito kalaunan.

Ngayong lumutang ang scam sa CSSP, ano kaya ang gagawin ng Kamara o Senado?

Baka naman, pareho na lang ang mga ito na hindi gagalaw lalo’t congressional insertions ang ginamit na pondo para sa lahat ng proyektong isinailalim sa CSSP.

At kung pinag-uusapan ang insertion o paningit, pare-pareho ang mga kongresman at senador na meron dito.

May paningit din kaya ang Pangulo sa CSSP?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here