MANILA —Sinibak sa pwesto ang nasa labintatlong tauhan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG), kabilang ang hepe nito sa National Capital Region (NCR), matapos mauwi sa komprontasyon sa mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang isang hindi koordinadong operasyon sa isang warehouse sa Bulacan.
Kabilang sa mga sinibak sa kanilang mga posisyon si HPG-NCR chief Col. Joey Tomas Caise, kasama ang iba pang opisyal at tauhan na sangkot sa nasabing operasyon.
Ayon sa PNP-HPG, epektibo noong Agosto 20 ang administrative relief sa 13 tauhan upang bigyang-daan ang isang patas at walang kinikilingang imbestigasyon sa insidente.
Kasama rin sa inalis sa puwesto sina Lt. Col. Carlo Loñosa, Maj. Romar Exile, Senior Master Sergeants Dennis Ancheta, Jake Balberde at Bryan Castillo; Corporals Melvin Habbiling, Edrick Semilla at Reneboy Sumbilon; at Patrolmen Gabriel Capellan, Jeffrey Carilo, Bill Anthony Estrada at Andrew Marzan.
Ipinag-utos ni PNP-HPG Director Brig. Gen. Rommel Batangan ang agarang hakbang upang matukoy kung sino ang dapat managot sa naging gusot sa operasyon.
Binigyang-diin ni Batangan na seryoso ang mga alegasyon at kailangang dumaan sa tamang proseso ang imbestigasyon bago magpatupad ng anumang karagdagang disciplinary action.
Sinabi ng opisyal na ang nararapat na aksyon ay ibabatay sa magiging resulta ng imbestigasyon at ipatutupad alinsunod sa due process.
Samantala, inaasahang tututukan ng imbestigasyon kung paano naisagawa ang operasyon nang walang sapat na koordinasyon sa BOC at kung ano ang naging sanhi ng komprontasyon sa pagitan ng dalawang law enforcement agencies.
Sa ngayon, nananatiling administrative relief ang ipinataw sa 13 tauhan habang nagpapatuloy ang pagsisiyasat. Hindi pa ito nangangahulugan na napatunayang may kasalanan ang mga opisyal at tauhan.
Layunin ng hakbang ng PNP-HPG na matukoy ang buong pangyayari at matiyak na may pananagutan kung mapatutunayang may paglabag sa mga umiiral na patakaran at proseso sa operasyon. JAY Reyes