MANILA, Philippines — Arestado ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 29-anyos na South Korean national na pinaghahanap sa kanyang bansa dahil sa umano’y pagkakasangkot sa pagpapatakbo ng mga ilegal na online gambling website.
Kinilala ng BI ang suspek na si Kim Youngsun, na dinakip ng mga operatiba ng BI Fugitive Search Unit (FSU), katuwang ang South Korean authorities at Philippine National Police–Intelligence Group (PNP-IG), noong hapon ng Agosto 7 sa isang residential area sa Governor Ferrer Drive, Barangay Buenavista I, General Trias, Cavite.
Isinagawa ang operasyon matapos humingi ng tulong ang PNP-IG sa BI para matunton si Kim, na may arrest warrant mula sa Incheon District Court sa South Korea na inilabas noong Abril 22, 2025.
Ayon sa mga impormasyong ibinahagi sa mga awtoridad ng Pilipinas, umano’y sangkot si Kim sa operasyon ng 23 ilegal na online gambling website na pinatatakbo mula sa mga tanggapan sa Pasay City at Quezon City simula Nobyembre 2018.
Nagsilbi umano siyang assistant manager ng support team at nangasiwa sa ilang operational units na bahagi ng nasabing gambling operation.
Tinatayang umabot naman sa KRW 5.33 trilyon ang iligal na kinita ng sindikato mula sa online sports betting at iba pang aktibidad sa pagsusugal.
Dahil dito, naglabas ang Interpol ng Red Notice laban kay Kim noong Hunyo 2025.
Batay din sa rekord ng BI, pumasok si Kim sa Pilipinas noong 2025 bilang temporary visitor, ngunit paso na ang kanyang awtorisadong pananatili sa bansa kaya itinuring na rin siyang overstaying foreign national.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ipinapakita ng pagkakaaresto kay Kim ang patuloy na pakikipagtulungan ng BI sa mga lokal at international law enforcement agency upang matukoy at mahuli ang mga dayuhang pugante na nagtatangkang magtago sa Pilipinas.
Dinala si Kim sa BI para sa booking at dokumentasyon at pansamantalang ikinulong sa BI Warden Facility habang isinasagawa ang kaukulang custodial proceedings. JAY Reyes