MANILA, Philippines – Inalerto ng Philippine National Police (PNP) ang mga chief of police at unit commanders para sa mga preemptive safety measures at disaster response habang nagbabanta ang Bagyong Saudel at iba pang weather disturbances na magdala ng malakas na ulan at posibleng pagbaha.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., inatasan ang mga police unit na mahigpit na subaybayan ang kilos at lakas ng Saudel at makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para sa posibleng preemptive evacuation sa mga lugar na mataas ang panganib.
“Our chiefs of police and other unit commanders in the affected areas were tasked to monitor the situation in their areas and maintain strong coordination with the local government units for a unified and systematic response to ensure the safety of the people,” ani Nartatez.
Naka-disaster response alert na rin ang mga pulis sa iba’t ibang bahagi ng bansa nitong mga nakaraang linggo dahil sa malawakang pagbaha at mga landslide na dulot ng Habagat at ilang bagyo.
Ayon sa PAGASA, inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Saudel ngayong Lunes, Agosto 24. Posible rin itong lumakas at maging Super Typhoon bago pumasok sa PAR.
Sa 5 a.m. bulletin ng PAGASA, ang Saudel ay nasa layong 1,660 kilometro silangan-hilagang-silangan ng Extreme Northern Luzon, na may maximum sustained winds na 175 km/h at bugso na hanggang 215 km/h.
Bibigyan ito ng lokal na pangalang “Obet” o “Pilandok,” depende sa kung alin ang unang papasok sa PAR—si Saudel o ang isa pang tropical depression na mino-monitor.
Sinabi ni Nartatez na hindi lamang tututok ang PNP sa emergency deployment kapag lumala na ang panahon. Makikipag-ugnayan din ang mga police unit sa mga lokal na awtoridad upang maprotektahan ang mga residente sa mga lugar na madaling bahain at iba pang lugar na maaaring maapektuhan ng masamang panahon. RNT/MDS