MANILA, Philippines – Naka-red alert ang Visayas grid mula 5 p.m. hanggang 8 p.m. ngayong Lunes dahil hindi sapat ang available power capacity para tugunan ang demand at kinakailangang regulating requirement ng grid.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), may yellow alert naman mula 2 p.m. hanggang 5 p.m. at 8 p.m. hanggang 9 p.m.
Tinatayang nasa 2,312 megawatts (MW) lamang ang available capacity habang inaasahang aabot sa 2,395 MW ang peak demand.
Ipinaliwanag ng NGCP na ang yellow alert ay inilalabas kapag kulang ang operating margin para sa contingency requirements, habang red alert naman kapag hindi sapat ang kapasidad para sa demand at regulating requirement ng grid.
Mababa ang available capacity dahil hindi pa gumagana ang Units 1 at 2 ng Therma Visayas Inc. (TVI) at Unit 1 ng Kepco SPC Power Corp. (KSPC).
Nabawasan din ang electricity imports mula sa Mindanao grid dahil mataas din ang demand doon.
Ngayong buwan lamang, walo pang power plants sa Visayas ang hindi available, habang 20 iba pa ang nakaranas ng forced outage sa nakalipas na limang taon.
May 13 power plants din na kasalukuyang gumagana sa mas mababang kapasidad, na nagresulta sa kabuuang pagkawala ng humigit-kumulang 896.3 MW na maaaring sana ay maidagdag sa suplay ng kuryente sa grid. RNT/MDS