MANILA, Philippines – Muli na namang nagbanggaan sina Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro at Senator Imee Marcos.
Sa pagkakataong ito kasi, binira kasi ni Imee Marcos sa kanyang video statement, nakisawsaw at sumama sa backlash sa naunang pahayag ni Castro ukol sa mga guro at moralidad.
Sa nakalipas na linggo, naging maingay ang social media sa naging pahayag ni Castro kung saan sinabi niya kasi na may ilang guro ang hindi magandang ehemplo sa kanilang mga estudyante.
Kaagad namang nilinaw ni Castro ang isyu. Aniya, hindi niya sinisisi ang mga guro kaya’t hindi nito magawang humingi ng paumanhin o mag-sorry sa nasabing insidente.
Lumalabas naman na gusto ni Imee Marcos na pag-usapan ang nasabing bagay sa video na naka-post sa kanyang social media page
“Ano ba naman sila, bakit naman sisisihin ang mga hamak na teacher, samantalang yung isang guro, siya pa nga ang pinupuntirya? Muntik-muntikan na nga, sinweretehan na lang,” ayon kay Imnee Marcos.
“Ano naman ang malay ng mga teacher, pambihira naman,” ayon pa rin sa kapatid ni Pangulong Ferdinan Marcos Jr.
Sa isang kalatas, sinabi ni Castro na dapat na pinanood muna ni Imee Marcos ang buong press conference upang makakuha ng buong konteksto ng kanyang sinabi.
“Kailangan po talaga natin ipakalat ang kahalagahan ng critical thinking. Matututong makinig at intindihin ang mga sinabi ko. Panuurin muna ang buong briefing bago sumawsaw sa isyu,” ang tinuran ni Castro.
“Huwag basta sumunod lamang sa ginawang script ng director or staff niya dahil mapapahamak siya,” anito pa rin.
Sinabi ni Castro na ang pahayag ni Imee Marcos ay hindi angkop para sa isang senador.
“Hindi dapat sa isang senador nagsisimula ang pagpapakita ng kawalang-modo o kagaspangan ng ugali. Mga salitang walang idinudulot kundi paninira sa kapwa. Unahin na rin niyang turuan ang mga kaalyado niyang katabi lang niya ng kagandahang asal kaysa kunsitihin ang pagmumura nila,” anito.
Sa kabilang dako, hindi ito ang unang pagkakataon na nagbanggaan at nagplitan ng maaanghang na salita sina Castro at Imee Marcos. (KRIS JOSE)