Home NATIONWIDE Chinese Embassy, Tarriela nagpalitan ng akusasyon ukol sa WPS

Chinese Embassy, Tarriela nagpalitan ng akusasyon ukol sa WPS

4
0

MANILA, Philippines – Nagpalitan ng matatalim na salita sa social media ang Chinese Embassy sa Maynila at si Rear Admiral Jay Tarriela, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard para sa West Philippine Sea, matapos mag-akusahan sila ng pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa sitwasyon sa West Philippine Sea (WPS).

Nagsimula ang palitan nang mag-post si Tarriela tungkol sa pakikipaglaban sa online misinformation.

Sa kanyang post, sinabi ng opisyal na nakakapagod kontrahin ang disinformation ng Beijing.

Dagdag pa nakakabigo aniya at nakakadismaya, pero sinabing buo pa rin ang kanyang determinasyon na tumugon sa mga mapanlinlang na pahayag, at sinabing kung tatanggapin ang mga maling narrative ay parang isinuko na rin ang interes ng bansa para sa susunod na mga henerasyon.

Sinagot naman ng pahayag ang Chinese Embassy sa Maynila na iniuugnay kay Deputy Spokesperson Guo Wei kung saan tinututulan ang naging pahayag ni Tarriela.

Kinuwestyon din ang motibo nito at tinanong kung sino ang nag-uutos kay Tarriela na magsikap nang husto sa pang-aatake at paninira sa China araw-araw.

Pinayuhan ni Guo ang opisyal na “itigil na ang pagsisinungaling at paggawa ng mga imbentong kwento” kung nakakabigo na sa kanya ang kanyang trabaho.

Pinabulaanan din ng opisyal ng embahada ang pagkakaroon ng karapatan ni Tarriela na kumatawan sa sambayanang Pilipino, at sinabing parehong nais ng mga mamamayang Chinese at Filipino ang kapayapaan at kaunlaran kaysa sa hidwaan.

Sinasalamin ng pampublikong palitan ang patuloy na tensyon sa pagitan ng dalawang bansa dahil sa kanilang magkasalungat na pag-aangkin sa mga pinagtatalunang karagatan. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here