MANILA, Philippines — Isang 14-anyos na estudyante sa Cebu ang nahulihang may dalang baril sa paaralan upang takutin umano ang mga nambu-bully sa kanyang kaibigan, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sinabi ni PNP spokesperson Col. Allen Rae Co na wala umanong balak ang Grade 9 student na magsagawa ng pamamaril. Gayunman, maaari aniyang nauwi sa trahedya ang insidente kung hindi ito agad natuklasan ng mga guro.
Nasabat ang estudyante sa Lut-od National High School sa Pinamungajan, Cebu noong Agosto 20 matapos makita ng isang guro ang walang lamang bala na Smith & Wesson .357 Magnum revolver sa kanyang bag sa isinagawang surprise inspection.
Ayon kay Co, sinabi ng menor de edad na mas malalaki at mas matatanda ang umano’y nambu-bully sa kanyang kaibigan kaya nagdala siya ng baril upang panakot.
Unang sinabi ng estudyante na kinuha niya ang baril sa kabinet ng kanyang lolo ngunit binawi rin niya ang pahayag at sinabing hindi niya alam kung sino ang may-ari nito.
Natukoy ng PNP na hindi rehistrado ang baril kaya nahihirapan ang mga awtoridad na matunton ang may-ari.
Binigyang-diin ng pulisya na mahalagang tiyakin ng mga may-ari ng baril ang ligtas na pagtatago ng kanilang armas upang hindi ito makuha ng mga bata. Nanawagan din ang PNP sa publiko na iwasang ipakalat ang graphic videos ng mga insidente ng pamamaril. Mary Anne Sapico