MANILA, Philippines — Pinatawag ng Senate impeachment court ang tatlong kasalukuyan at dating opisyal ng militar upang tumestigo kaugnay ng paggamit ng Department of Education (DepEd) sa confidential funds noong 2023.
Nakatakdang humarap sa Miyerkules, Agosto 26, sina retired Col. Manaros Boransing II, Col. Magtangol Panopio, at Maj. Gen. Adonis Bajao, ayon kay House lead prosecutor Gerville Luistro.
Ipapalit muna sila kay dating DepEd special disbursing officer Edward Fajarda, na humiling na hindi makadalo sa mga pagdinig matapos umano siyang ma-stroke. Inatasan ng impeachment court ang Senate Medical and Dental Bureau na beripikahin ang kanyang kondisyon.
Inaasahang tatalakayin sa testimonya ng tatlong opisyal ang mga certification na ginamit umano sa liquidation ng P15 milyong confidential funds ng DepEd para sa mga impormante noong 2023, nang sabay na nagsisilbing education secretary si Vice President Sara Duterte.
Sa pagdinig ng Kamara noong 2024, sinabi ng mga opisyal na kanila ang mga lagda sa certifications ngunit hindi umano nila alam na gagamitin ang mga ito sa liquidation ng confidential funds.
Nakasaad umano sa mga dokumento na ginamit ang P15 milyon para sa Youth Leadership Seminar. Gayunman, sinabi ni Boransing na hindi mula sa confidential funds ng DepEd ang ginastos sa naturang aktibidad.
Bago ang testimonya ng mga opisyal ng militar, nakatakdang iharap ng prosekusyon bilang hostile witness ngayong Martes, Agosto 25, si Office of the Vice President Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio. RNT