Home NATIONWIDE Palpak na flood control ‘di lang dahilan ng baha, Climate Change rin...

Palpak na flood control ‘di lang dahilan ng baha, Climate Change rin – PBBM

2
0

MANILA, Philippines — Inamin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maraming flood control project sa Bulacan ang hindi naipatupad at nakadagdag ito sa matinding pagbaha sa Central Luzon.

Gayunman, sinabi ng Pangulo na hindi lamang umano mga problemadong flood control project ang dahilan ng pagbaha kundi pati ang matinding pag-ulan na iniugnay niya sa climate change.

“Ngunit kailangan din nating maunawaan na hindi lang dahil sa problema ng flood control project kundi pati na sa lakas talaga ng ulan na hindi pa natin nakita sa kasaysayan ng Pilipinas. Ito ay naging resulta ng climate change,”

Ginawa ni Marcos ang pahayag matapos ang situation briefing sa Pampanga Provincial Capitol tungkol sa epekto ng habagat sa Central Luzon.

Ayon sa Pangulo, hindi pa masuri ng pamahalaan ang buong pinsala sa mga lugar na nananatiling lubog sa baha. Isinasaalang-alang din aniya ang lagay ng panahon bago simulan ang pagkukumpuni upang hindi agad masira muli ang mga proyekto.

Kabilang sa mga agarang hakbang na pinag-aaralan ang dredging, paglilinis ng mga drainage, at pagtatayo ng flood gates at pumping station sa Sabo Dam.

Sinabi rin ni Marcos na may mga planong dam project sa Nueva Ecija at pinag-aaralan ang pagtatayo ng 100-kilometrong dike bilang pangmatagalang tugon sa pagbaha.

Tiniyak naman niyang patuloy na tinutugunan ng pamahalaan ang agarang pangangailangan ng mga apektadong residente, kabilang ang pagkain, matutuluyan, at medical supplies. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here