MANILA, Philippines — Pinayagan ng Sandiganbayan si Senador Jinggoy Estrada na pansamantalang lumabas ng New Quezon City Jail sa Agosto 26 upang sumailalim sa X-ray examination ng kanyang mga tuhod.
Sa resolusyon ng Fifth Division, maaaring umalis si Estrada sa kulungan nang alas-11 ng umaga para sa nakatakdang procedure sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan. Kailangan niyang makabalik sa detention facility nang hindi lalampas sa alas-3 ng hapon.
Inatasan ang senador na sagutin ang lahat ng gastusin sa ospital, professional fees, transportasyon, at iba pang kaugnay na bayarin. Sasamahan din siya ng security escorts at tanging kanyang immediate family, abogado, at medical personnel ang maaaring makasama.
Ipinagbawal ng korte ang pagkuha ng litrato at video, gayundin ang paglalathala sa social media tungkol sa procedure.
Ayon sa mosyon ng kampo ni Estrada, mayroon siyang osteoarthritis at nakararanas ng patuloy na pananakit ng magkabilang tuhod na nagpapahirap sa kanyang paglalakad. Tinutulan ng prosekusyon ang paglabas niya at iminungkahing gumamit na lamang ng portable X-ray machine sa kulungan.
Nakakulong si Estrada habang nililitis sa mga kasong plunder at graft kaugnay ng umano’y P573 milyong kickback mula sa mga proyektong pang-imprastraktura. Itinanggi niya ang mga paratang. Santi Celario