Home HOME BANNER STORY DOJ: May-ari ng baril sa Tacloban school shooting, kasuhan

DOJ: May-ari ng baril sa Tacloban school shooting, kasuhan

1
0

MANILA, Philippines — Naglabas na ang Tacloban City Prosecutor’s Office ng resolusyong nagrerekomenda ng pagsasampa ng kasong criminal negligence laban sa may-ari ng baril na ginamit sa pamamaril sa isang paaralan sa lungsod noong Hunyo.

Inihayag ito ni Justice Secretary Fredderick Vida sa pagdinig ng Kamara nitong Lunes, Agosto 24, hinggil sa panukalang 2027 budget ng Department of Justice (DOJ).

Hindi pinangalanan ni Vida ang may-ari ng baril. Ang resolusyon ng piskalya ay rekomendasyon upang maisampa ang kaso at hindi pa paghatol sa pananagutan ng indibidwal.

Tatlo ang nasawi at ilan ang nasugatan sa pamamaril na kinasangkutan ng dalawang menor de edad sa San Jose National High School sa Barangay San Jose, Tacloban City noong Hunyo.

Sa pagdinig, sinabi rin ni Vida na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang umano’y panghihikayat sa mga batang naglalaro ng video games na sumali sa magkakahiwalay na online chatroom, kung saan pinatitindi umano ang kanilang pagkahumaling sa karahasan.

Ayon kay Vida, magsusumite ang DOJ sa Kamara ng confidential report tungkol sa mga grupong natukoy sa imbestigasyon.

Sinabi naman ni National Bureau of Investigation Director Melvin Matibag na minomonitor ng ahensya ang naturang grupo mula pa noong insidente sa Tacloban. Nakikipag-ugnayan din umano ang pamahalaan sa Meta kaugnay ng usapin.

Tiniyak ni Vida na susundan ng DOJ ang ebidensya at iiwasan ang basta-bastang paglalagay ng label o pag-profile sa mga iniimbestigahan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here