MANILA, Philippines — Umaabot na sa 300% hanggang 500% ng kapasidad ang emergency room ng San Lazaro Hospital sa Maynila kasunod ng pagdami ng mga pasyenteng may leptospirosis matapos ang malawakang pagbaha.
Sa panayam sa isang ulat, sinabi ni San Lazaro Hospital Medical Center chief Dr. David Suplico na 87 pasyente na may leptospirosis ang kasalukuyang ginagamot sa ospital.
Sa bilang na ito, 26 ang nasa malubhang kondisyon, kabilang ang mga nahihirapang huminga at nangangailangan ng dialysis.
Tatlong pasyente naman ang nasawi mula Agosto 19 hanggang 22.
Ayon kay Suplico, maaaring lumitaw ang leptospirosis sa loob ng dalawa hanggang 30 araw matapos malantad sa kontaminadong tubig. Inaasahan ng ospital ang posibleng pagdami pa ng mga pasyente sa mga susunod na araw.
Nauna ring pansamantalang nilimitahan ng National Kidney and Transplant Institute ang pagtanggap ng walk-in patients matapos mapuno ang mga kama nito dahil sa pagtaas ng leptospirosis cases.
Pinayuhan ng Department of Health ang publiko na agad kumonsulta sa doktor matapos lumusong sa baha o kapag nakaranas ng sintomas at huwag uminom ng gamot nang walang wastong medical advice.
Maaari namang gamitin ng mga ospital ang Leptospirosis Bed Tracker System para mailipat ang mga pasyente sa pasilidad na may bakanteng kama. RNT