WASHINGTON — Nagbabala ang administrasyon ni US President Donald Trump na maaaring patawan ng secondary sanctions ang mga bansang patuloy na nakikipagnegosyo sa Iran, bagaman wala pa itong aktuwal na ipinataw na parusa.
Inihayag ni US Treasury Secretary Scott Bessent ang mas pinaigting na kampanyang pang-ekonomiya laban sa mga pandaigdigang ugnayang pinansyal ng Iran. Hindi niya tinukoy kung aling mga bansa ang unang papatawan ng parusa at kung kailan ito sisimulan.
“Why would I want to blow up the global financial system? We believe that it is important to level set and give people a cure period, but they should know that that will move very quickly and that we are serious,” sinabi ni Bessent sa isang press conference.
Nagpataw naman ang US Treasury Department ng bagong sanctions sa 60 indibidwal, kompanya at sasakyang-pandagat. Hindi kabilang dito ang mga institusyong pinansyal ng China na pinaghihinalaang tumutulong sa bentahan ng langis ng Iran.
Iginiit ni Bessent na walang bansang ligtas sa posibleng sanctions kapag tumulong ito sa mga transaksiyong ginagawang salapi ang langis ng Iran.
Pinalawak din ng Washington ang mga aktibidad na maaaring saklawin ng secondary sanctions sa digital assets, ginto, teknolohiya, aviation at shipping.
Ayon sa ulat ng Reuters, target ng mga bagong hakbang ang ilang negosyo sa China, United Arab Emirates, Singapore at iba pang bansa. Nagpahiwatig din si Bessent ng panibagong parusa laban sa isang institusyong pinansyal bago matapos ang linggo. Dave Medina