MANILA, Philippines – Maaaring makaranas ng power interruptions ang ilang bahagi ng Visayas ngayong Martes matapos maglabas ang National Grid Corp. of the Philippines (NGCP) ng red alert dahil sa kakulangan ng suplay ng kuryente.
Ayon sa NGCP, nakatakda ang red alert mula 5 p.m. hanggang 8 p.m. Habang may yellow alert mula 2 p.m. hanggang 5 p.m. at 8 p.m. hanggang 10 p.m.
Ang yellow alert ay nangangahulugang manipis ang reserbang kuryente at maaaring magkaroon ng aberya kapag may biglaang pagkasira ng planta. Sa red alert naman, hindi sapat ang suplay para sa demand kaya tumataas ang posibilidad ng rotational brownouts.
Noong Martes ng umaga, nasa 2,421 megawatts (MW) ang available capacity sa Visayas, habang umabot sa 2,570 MW ang peak demand.
Patuloy na nararanasan ang kakulangan ng suplay dahil hindi pa gumagana ang ilang malalaking coal power plant sa Visayas at limitado rin ang suplay na inaangkat mula Mindanao. RNT/MDS