MANILA, Philippines – Tutulong ang Philippine National Police (PNP) sa Department of Education (DepEd) sa pag-aayos ng protocol para sa school safety drills matapos ipagpaliban ang nationwide simultaneous launching na nakatakda sana noong Agosto 25.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., nakikipag-ugnayan na ang mga lokal na pulis sa mga school division head at regional director upang matukoy ang mga kailangang pagbabago sa drills.
Sinabi ni Nartatez na dapat mapalakas ng mga pagsasanay ang kahandaan ng mga paaralan habang pinoprotektahan ang kapakanan ng mga estudyante at guro.
Ipinagpaliban ang drills dahil sa masamang panahon at mga pangamba ng ilang grupo tungkol sa pagsasagawa ng active shooter drills. Hiniling nilang maiayon ang mga ito sa psychosocial at child protection measures.
Ayon sa DepEd, gagamitin ang postponement upang matiyak na ang drills ay age-appropriate at trauma-informed, at mapoprotektahan ang pisikal at sikolohikal na kalagayan ng mga mag-aaral.
Sinabi naman ng PNP na nirerespeto nito ang mga rekomendasyon ng mga eksperto at advocacy at medical groups. Patuloy din itong magbibigay ng technical support sa DepEd at titiyaking gagamit ng non-traumatic approaches sa pagpapatupad ng school safety drills. RNT/MDS