MANILA, Philippines – Hiniling ni dating House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez sa Office of the Ombudsman na agarang pag-aralan kung admissible at credible ang ebidensyang ginagamit laban sa kanya at ibasura na ang mga reklamong kinakaharap kaugnay ng alegasyong sangkot sa flood control controversy.
Ito ay matapos maghain ang mambabatas ng 25-pahinang Supplemental Counter-Affidavit Ex Abundanti Ad Cautelam sa Ombudsman.
Nakapaloob sa supplemental affidavit ang kabuuang 32 sworn statements kabilang ang tatlong recantation o pagbawi ng naunang salaysay, dalawang supporting statement, 25 bagong affidavit of denial and non-participation at ang naunang salaysay ni Allan Colesio, dating aide ni dating Rep. Zaldy Co, at ang recantation ni Orly Guteza.
Ayon sa kampo ni Romualdez, sinisira ng mga bagong salaysay na ito ang personal na kaalaman at kredibilidad ng mga testigong nag-uugnay sa mambabatas na usapin ng male-maletang pera.
“Faced with these statements that cast doubt on the truth of the allegations in the Complaints, this Honorable Office cannot have basis to satisfy the standard of prima facie evidence with reasonable certainty of conviction required under Section 3, Rule V of the 2026 Ombudsman Rules of Procedure.” giit ng kampo ni Romualdez.
Giniit din nito na ang batayan sa prima facie evidence ay dapat mayroong batayan para sa conviction at mas mataas ito kaysa sa probable cause standard, sa reklamong nakasampa sa Ombudsman laban kay Romualdez ay malinaw na wala itong mabigat na ebidensya.
Ipinunto rin ni Romualdez na sa bagong 2026 Ombudsman Rules of Procedure, obligado ang ahensya na suriin ang admissibility at credibility ng ebidensya bago pa man magsampa ng Information, sa halip na ipaubaya ito sa hukuman.
“Admissibility and credibility are thus not concerns reserved for the trial court; they are integral to this Honorable Office’s own determination of whether a case should be filed at all” nakasaad sa affidavit.
iginiit pa ng kampo ni Romualdez sa kanilang isinumiteng supplemental affidavit na malinaw na walang kinalaman ang dating Speaker sa flood control mess at hindi ito tumanggap ng kickback, malinaw umano ito sa bagong testimonya ng mga testigo na nagsabing walang kaalaman sa cash deliveries, gayundin ang tatlong testigo na bumawi na sa kanilang naunang salaysay at pag amin ni Guteza na hindi sya eyewitness sa pagtanggap ng pera ng mambabatas.
Bukod dito ay walang kontraktor na nagsabi na may ibinigay na kickback kay Romualdez, walang opisyal ng DPWH ang nagsabing may hiningi o tumanggap ito kickback, walang partikular na proyekto ang na-trace sa mambabatas at walang financial record na nagkaroon ng ilegal na kita sa kanyang mga ari-arian.
“This is not a matter that can be set aside for resolution at some future trial; it is a defect in the evidence as it stands today, and it is precisely the kind of defect that Section 3, Rule V was written to catch before an Information is ever filed,” ayon sa affidavit.
Hiniling ni Romualdez sa Ombudsman na tukuyin kung ano pang ebidensya ang admissible, credible at maaaring ipreserba, kung wala na umanong matitira matapos ang mga recantation at direktang pagtanggi ng mga testigo at malinaw na hindi ito aabot sa pamantayan ay nararapat lamang na ibasura na ang reklamo laban sa dating Speaker. Gail Mendoza