MANILA, Philippines – Nagsanib puwersa sina Minority Leader Alan Peter Cayetano at Senate President Sherwin Gatchalian sa paghahain ng isang resolusyon upang lumikha ng isang special committee sa Seando na tututok sa pagbuo ng pangmatagalang solusyon sa humihinang ekonomiya.
Sa pahayag, sinabi ni Cayetano, principal author ng Proposes Senate Resolution No. 618 na bukod kay Gatchalian, sumanib din sa resolusyon si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na tututok hindi lamang sa pagpapasigla ng ekonomiya kundi maging pagpapaunlad ng pamuhunan at paglikha ng mas maraming de kalidad na trabaho.
Ayon kay Cayetano, kasama nito sina Gatchalian at Zubiri sa paghahain ng Proposed Senate Resolution No. 618 nitong August 24 upang likhain ang Reinvigorate Investment and Sustainable Economic Growth (RISE) Ad Hoc Committee.
Inaatasan ang panukalang komite na magrekomenda ng mga bagong batas at reporma na makatutulong sa pagpapalakas ng ekonomiya at pagsusulong ng mas matatag at inklusibong paglago.
Ayon sa resolusyon, 2.6% lamang ang itinaas ng ekonomiya ng Pilipinas sa unang kalahati ng 2026, mas mababa kumpara sa 5.5% hanggang 8.2% na paglago na naitala ng mga pangunahing ekonomiya sa ASEAN.
Kasabay nito, tumaas sa 4.9% ang unemployment rate noong Hunyo mula sa 3.7%, kung saan nasa 2.6 milyon ang bilang ng mga walang trabaho.
Dahil dito, nais ni Cayetano na higit na pagtuunan ng pansin ang mga pangmatagalang reporma sa halip na mga panandaliang solusyon na aniya ay parang “band-aid” lamang sa problema ng ekonomiya.
Mahalaga rin aniyang matiyak na kapwa makikinabang ang mga negosyo at manggagawa sa pag-unlad ng ekonomiya.
“Sana mapag-usapan din natin y’ung ano ba ang tamang amount na hindi naman tutumba o malulugi y’ung mga negosyo, pero at the same time y’ung ating mga laborers at workers kumita ng living wage,” wika niya.
Kabilang sa layunin ng RISE Committee ang paglikha ng de-kalidad at likas-kayang mga trabaho sa bansa upang hindi na mapilitan ang mga Pilipino na mangibang-bansa dahil lamang sa kakulangan ng oportunidad sa sariling bansa.
Kasabay nito, nais ding mailatag ang pundasyon para sa living wage o sahod na sapat para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga manggagawa.
Kaugnay nito ang Senate Bill No. 104 ni Cayetano, o ang Executive-Legislative Labor Commission (LabCom) Act of 2025, na naglalayong magtatag ng pambansang balangkas para sa living wage at isang National Labor Roadmap.
Para kay Cayetano, hindi dapat matapos sa pagtatakda ng minimum wage ang usapin ng sahod dahil dapat itong maiugnay sa mas malawak na pag-unlad ng ekonomiya at kalidad ng buhay ng mga Pilipino.
“The hope of building a just and humane society will begin once we look beyond simply providing a minimum wage and start aiming for a living wage for all Filipinos,” aniya. Ernie Reyes