MANILA, Philippines — Muling babalik sa Manila City Hall si dating Presidential Communications Office (PCO) Assistant Secretary Julius N. Leonen matapos siyang italaga ni Mayor Isko Moreno Domagoso bilang City Public Information Officer ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila.
Magsisimula si Leonen sa kanyang bagong tungkulin ngayong Martes, Agosto 25, 2026, at muling hahawakan ang posisyong dati na niyang pinamunuan noong unang termino ni Moreno bilang alkalde ng Maynila.
Hindi na bago kay Leonen ang pamamahala sa information office ng lungsod dahil una siyang itinalaga bilang Manila Public Information Office (MPIO) Chief noong 2019, sa unang termino ni Domagoso.
Bago ang kanyang pagbabalik sa Maynila, nagkaroon si Leonen ng karanasan sa pambansang pamahalaan matapos magsilbi sa PCO sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Noong 2024, itinalaga siya bilang Director III ng PCO bago naging Assistant Secretary noong 2025. Nagsilbi siya sa ilalim ng Strategic Communications Cluster na nangunguna sa Integrated State Media News Operations.
Bago rin siya napunta sa PCO, naging Assistant Chief of Staff si Leonen sa ilalim ng tanggapan ni dating Chief of Staff Cesar Chavez.
Ang pagbabalik ni Leonen sa Manila City Hall ay kasunod ng pag-alis sa puwesto ng dating hepe ng Manila Public Information Office na si E-jhay Talagtag, na umano’y nagbitiw sa kanyang tungkulin dahil sa hindi tinukoy na dahilan.
Sa muling pagkakatalaga kay Leonen, inaasahang gagamitin niya ang kanyang karanasan sa local at national government communications upang higit pang palakasin ang paghahatid ng impormasyon ng Manila City Government sa mga residente, media at publiko.
Mula sa Manila City Hall noong 2019, patungo sa pambansang pamahalaan at ngayo’y muling nagbalik sa lungsod—panibagong yugto ang haharapin ni Leonen bilang pangunahing opisyal ng impormasyon ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila. JAY Reyes