MANILA, Philippines – Inakusahan ng House prosecution team ang kampo ni Vice President Sara Duterte ng “gaslighting” sa publiko matapos isisi sa Office of the President na “late” ang pagpapalabas ng confidential funds kaya kinakailangan magastos ito sa loob ng 11 araw upang umabot sa deadline.
“The playing of their victim card does not hold water. Kasi gaslighting ’yan, eh,” pahayag ni Alonto Adiong.
Pinalagan ni Alonto Adiong ang argumento ng OVP na dapat panagutin ang Office of the President dahil noong Disyembre na nailabas ang confidential funds sa Office of the Vice President (OVP).
Giit ni Alonto Adiong ibinigay ang pondo nang may mabuting hangarin at kailanman ay hindi inatasan ang OVP na ubusin ang buong halaga bago matapos ang taon.
“Wala namang nagsasabing ‘pag binigyan siya ng P125 million, gastusin niya itong buong-buo in 11 days, tapos kung sino-sino lang ‘yung paglalagyan nila at hindi sila mag-liquidate nang maayos,” paliwanag ni Alonto Adiong.
Sinabi ni Adiong na dapat lamang ipaliwanag ng OVP kung paano ginasta ang pondo at ipakita na maayos ang liquidation nito sa pamamagitan ng mga legal na Acknowledgment Receipts (ARs) upang hindi ma-flag ng Commission on Audit (COA) subalit hindi ganito ang ginawa ng OVP.
Sa panig ni prosecution legal spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr sinabi nito na nasasagot ng usapin sa late release ang pangunahing tanong sa pananagutan sa naturang pondo.
“Ang issue dito ay nagamit ba nang tama yung pondo” paliwanag ni Tolosa.
Ang P125 milyon ay nakalaan para sa huling quarter ng 2022 (Oktubre hanggang Disyembre), ngunit nailabas lamang ito noong Disyembre at dapat fully disbursed mula Disyembre 21 hanggang 31.
Sa naganap na trial ay kinumpirma ng hostile witness na si OVP Assistant Secretary Lemuel Ortonio na naubos ang P125 milyon sa loob ng 11 araw dahil ang mga hindi nagamit na cash allocation ay nawawalan ng bisa sa pagtatapos ng taon at kailangang ibalik sa National Treasury. Gail Mendoza