MALABON CITY, Philippines – Huli sa akto ang dalawang indibidwal habang ninanakaw ang mga kable ng kuryente ng isang streetlight sa Malabon City, napaulat.
Sa ulat, nagpapatrolya ang mga tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission sa Barangay Acacia nang maaktuhan nila ang dalawang indibidwal na pinuputol at tinatanggal ang mga electrical cable ng streetlight, Lunes ng madaling araw.
Nang mapansin naman ng mga suspek ang presensya ng kapulisan ay nagtangkang tumakas ang mga ito kaya hinabol sila ng mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 2.
Nang makorner at maaresto, nakumpiska sa mga suspek ang humigit-kumulang 28 metro ng electrical cable, gayundin ang isang pliers na umano’y ginamit sa pagnanakaw.
Sinampahan na ng pulisya ang mga suspek ng kasong pagnanakaw sa Malabon City Prosecutor’s Office sa pamamagitan ng inquest proceedings.
Patuloy na pinaaalalahanan ni Col. Mission ang publiko na maging mapagmatyag at agad ipaalam sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lungsod. (Merly Duero)