MANILA, Philippines — Binalaan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa New Zealand laban sa mga illegal recruiter at job offer na naniningil ng malaking placement o processing fee.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, hindi dapat singilin ng placement fee ang mga manggagawang ide-deploy sa New Zealand, kaya dapat maging alerto sa recruiter na humihingi ng malaking halaga o nagmamadaling magpabayad.
“Kapag nananaga ng placement fee, dahil bawal ang placement fee sa New Zealand… ’yan ay mga indikasyon, bahid ’yan ng illegal recruitment,” ani Cacdac sa isang panayam nitong Martes.
Pinayuhan niya ang mga aplikante na tiyaking lisensyado ang kanilang kausap na recruitment agency at i-verify sa DMW o New Zealand Embassy ang iniaalok na trabaho bago magbayad o bumiyahe.
Ginawa ng kalihim ang babala kasunod ng kaso ng isang babae na inaresto sa Iloilo City dahil sa umano’y syndicated illegal recruitment at estafa kaugnay ng mga trabahong inalok sa New Zealand.
Ayon sa DMW, inirereklamo ang operator ng Paragon Visa Consultancy dahil umano sa paniningil ng P100,000 hanggang P300,000 sa mga aplikante noong 2025.
Ilang complainant umano ang nakarating sa New Zealand ngunit natuklasang wala ang ipinangakong trabaho, habang ang iba ay nabigyan ng ibang posisyon.
Sinabi ng DMW na 13 kaso ng syndicated illegal recruitment at estafa ang isinampa kaugnay ng reklamo.
Samantala, sinabi ni Cacdac na nasa 30 closure operations na laban sa mga hinihinalang illegal recruiter ang isinagawa ng DMW sa Metro Manila ngayong taon at palalawakin pa ang kampanya sa labas ng National Capital Region.
“We will come after you,” babala ni Cacdac sa mga illegal recruiter.
Muling pinaalalahanan ng DMW ang mga nais magtrabaho abroad na kumuha ng tamang work visa at dumaan lamang sa lehitimo at awtorisadong recruitment channels. Dave Medina