Home NATIONWIDE OVP exec: Duterte alam, awtorisado galaw ng P500-M confi funds

OVP exec: Duterte alam, awtorisado galaw ng P500-M confi funds

1
0

MANILA, Philippines — Alam at awtorisado ni Vice President Sara Duterte ang mga aktibidad kaugnay ng P500 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP), ayon sa testimonya ng isa niyang opisyal sa ika-18 araw ng impeachment trial nitong Martes, Agosto 25.

Sa pagdinig, sinabi ni OVP Assistant Secretary at Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio na batay sa kanyang pagkaunawa at nalalaman, batid ng Bise Presidente ang mga confidential activity at kung paano ipinatutupad ang mga ito.

Tinanong ni Senate impeachment court presiding officer Francis “Chiz” Escudero si Ortonio kung ang mga hakbang mula sa paghingi ng pondo sa Department of Budget and Management (DBM), paggastos at liquidation nito, hanggang sa pagsagot sa audit observation memoranda, notices of suspension at notices of disallowance ay alam, pinahintulutan at nasa ilalim ng superbisyon ni Duterte.

“Based on my understanding, sir, and based on what I know, yes, the Vice President knows about the confidential activities and how it is being implemented,” sagot ni Ortonio.

Nang tanungin kung may ginawa siyang kaugnay ng confidential funds na hindi alam o hindi inawtorisa ni Duterte, sumagot si Ortonio ng, “None, Your Honor.”

Nauna rito, tumutol ang depensa sa tanong ng prosecution na tumutukoy kay Duterte bilang umano’y “architect” at “mastermind” ng operasyon ng confidential funds. Pinaboran ni Escudero ang depensa at hiniling na gumamit ang prosecution ng mas angkop na pananalita.

Idineklara ng impeachment court si Ortonio bilang hostile witness dahil nananatili siyang opisyal ng OVP at co-terminus ang kanyang panunungkulan kay Duterte.

Sa kanyang testimonya, sinabi rin ni Ortonio na humiling ang OVP ng P250 milyong confidential funds noong Agosto 2022 bago maisumite ang kaukulang physical and financial plan.

Inamin din niyang sinamahan niya noon si dating OVP special disbursing officer Gina Acosta sa pag-encash ng mga tseke para sa tig-P125 milyong confidential funds noong 2022 at 2023.

Sinabi rin ni Ortonio na ang ilang confidential funds ay ibinibigay umano sa mga informant para bumili ng gamot, pagkain, mesa at upuan, habang naglabas din siya ng P150,000 mula sa sariling pera matapos makatanggap ng agarang kahilingan para sa operasyon.

Ang testimonya ni Ortonio ay bahagi ng pagdinig sa impeachment charge hinggil sa umano’y maling paggamit ni Duterte ng confidential funds sa OVP at Department of Education. Patuloy pang dinidinig ng impeachment court ang ebidensya ng prosekusyon at depensa. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here